Walang footage na kuha sa mga closed-circuit television (CCTV) camera sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magpapatunay na may nangyaring pagtatanim ng bala sa bagahe ng mga pasahero sa naturang paliparan.

Ito ang inihayag ng mga abogado ng anim na airport staff na isinangkot sa tinaguriang “tanim bala” extortion scheme kasabay ng kanilang hiling sa prosekusyon na ibasura ang kasong inihain ng Amerikanong misyonaryo na si Lane Michael White laban sa kanila.

Sa pagpapatuloy ng closed-door, preliminary investigation (PI) sa kontrobersiya sa “tanim bala,” ito ang iginiit ng mga respondent na sina Marvin Garcia at Elma Cegna, ng Office of the Transportation Security (OTS); Insp. Adriano Junio, SPO4 Ramon Bernardo, at SPO2 Romy Navarro, ng Philippine National Police-Aviation Security Group; at Rolando Garin, sa isinumite nilang counter-affidavit kay Prosecution Attorney II Honey Rose Delgado.

Itinanggi ng anim na nagtangka silang kikilan ang Amerikano sa pamamagitan ng pagtatanim ng bala sa bagahe nito.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Pinanood din ng mga respondent ang sinasabing CCTV footage na ginamit na ebidensiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahain ng kaso laban sa kanila.

Inihayag ni Atty. Henesito Balasolla, abogado nina Garcia at Cegna, na ito ay patunay lang na mahina ang ebidensiya laban sa kanyang mga kliyente kaya dapat na ibasura ng Department of Justice (DoJ) ang kaso laban sa mga ito.

Aniya, walang nakita sa mga iprinisintang CCTV footage na magpapatunay na nagtanim ng bala ang mga akusado sa bagahe ni White upang makapangotong sa Amerikano.

“Yung complaint [nila] ay base lamang sa hinala at pagdududa. Kaya namin pinapa-dismiss [‘yung kaso] dahil walang probable cause. It demands more than suspicion. Dapat may ebidensiya,” giit ni Balasolla.

“Makikita naman sa CCTV footage na walang indication na may naglaglag o nagtanim ng bala sa luggage ni White,” dagdag ng abogado. (Leonard D. Postrado)