Tigib ng pag-asa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP)na mapapanalunan ng bansa ang isa sa tatlong hosting rights para sa FIBA Olympic Qualifiers na inaasahang i-aanunsiyo ngayong araw ng pamunuan ng world governing body ng basketball.

Ito’y dahil na rin sa nag-iisang bansang galing sa Asia ang Pilipinas sa hanay ng mga bidders, para sa hosting ng mga nakatakdang “July qualifiers”.

Sinabi ni Gilas Pilipinas team manager Butch Antonio na nakasaad sa kanilang “bid letter”ang tatlong mahahalagang kadahilanan kung bakit karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na makapag-host ng qualifier.

“One, we are really ready to host. Two, we have the people who are very much capable of running this hosting and, more importantly, the Philippines is just waiting for the opportunity to have world basketball here,” ani Antonio sa panayam dito na lumabas sa Spin.ph.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kabilang sa mga katunggali ng Pilipinas sa bidding ang Czech Republic (Prague), Serbia (Belgrade), Turkey, Germany (Hamburg) at Italy (Turin).

Labingwalong bansa pa ang maglalaban-laban para sa nalalabing huling tatlong tiket para sa Olympic men’s basketball tournament sa Rio Summer Games na kinabibilangan ng Pilipinas, Iran at Japan sa Asia; Canada, Mexico at Puerto Rico sa Amerika; France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic sa Europa; Angola, Tunisia at Senegal sa Africa at New Zealand sa Oceania.

Ang 18 teams ay hahatiin sa tatlong grupo at maglalaro sa tatlong magkakaibang mga siyudad na mapipiling hosts ng FIBA na ang tatlong magkakampeon ang makakapunta ng Rio.

May minimum hosting fee na nagkakahalaga ng 1.8 million euros o katumbas na P93 milyon, hindi pa kasama ang halaga ng “actual hosting”.

Ngunit ayon kay Antonio ay hindi na isyu ang pera.

“We’ll find ways, the money aspect is secondary. When we bid, we already have an idea more or less how much it will cost us,” ani Antonio. (Marivic Awitan)