BAGO ang taunang pulong sa Davos, Switzerland, sa Enero 20-23, 2016, inilabas ng World Economic Forum ang 2016 Global Risks Report nito, na nagtala sa krisis sa mga migrante sa Gitnang Silangan at Europa bilang pinakamalaking banta sa pandaigdigang kapayapaan. Ang ikalawang pangunahing banta ay ang climate change.
Napakalayo ng Pilipinas sa Gitnang Silangan, na rito ay ang Islamic State (IS) ang nasa sentro ng mga kaguluhan na nagbunsod upang lumikas ang milyun-milyong refugee patungo sa iba’t ibang bahagi ng Europa, ngunit napaulat na naghahanap na ngayon ang IS ng magiging base nito sa Asia, at pangunahing puntirya umano ang Pilipinas. Isa pang kandidato para maging base ng IS sa Asia ay ang Indonesia.
Ang Southeast Asia ay naging pangunahing lugar ng recruitment para sa IS. Nauna nang iniulat na may mga Indonesian at Malaysian na kumikilos sa Syria at Iraq, ngunit mistulang mas matindi ang ugnayan ng IS sa mga grupo ng terorista sa Mindanao. Kaya naman nagkaroon ng assessment na ang Pilipinas ang pangunahing puntirya ng IS para maging sangay nito sa Asia.
Sa ikalawang banta sa pandaigdigang kapayapaan at katatagan sa Global Risks Report for Davos—ang climate change—tinukoy ang Pilipinas bilang pangunahing halimbawa ng mga biktimang bansa. Daanan tayo ng mga bagyo, at ang pinakamalakas sa kasaysayan—ang bagyong ‘Yolanda’—ay nanalasa sa atin noong 2013, at pumatay sa mahigit 6,000 katao.
Kabilang din tayo sa mga islang bansa sa mundo na lantad sa panganib ng pagtaas ng karagatan dahil tinutunaw ng patuloy sa pagtaas na pandaigdigang temperatura ang yelo sa Antarctic.
Naitala rin sa ulat na inihanda para sa Davos conference ang iba pang pandaigdigang banta—kabilang ang pangambang pang-ekonomiya kaugnay ng kawalang katatagan ng merkado ng China, supply at presyo ng kuryente na naapektuhan sa pagbaba ng presyo ng petrolyo sa nakalipas na mga araw, mga alitan sa pagitan ng mga bansa, at cyber attacks.
Ang mga pandaigdigang banta na ito, na nakikitang makaaapekto sa mundo sa susunod na 10 taon ay tatalakayin sa
apat na araw na 46th World Economic Forum na magbubukas ngayon sa Davos, Switzerland. Gaya ng pandaigdigang pulong sa climate change nitong Disyembre sa Paris, France, malaking bagay para sa bansa ang pulong sa Davos dahil direkta tayong naaapektuhan ng mga pandaigdigang banta na ito.