Hindi na gigibain ang 82-taon na Rizal Memorial Coliseum at sa halip ay gagawin na itong isang lugar na magsisilbing tagapagpaalala sa mga pinakamagagaling na pambansang atleta at iba pang makasaysayang pangyayari sa larangan ng sports sa bansa sa pagtatakda sa pasilidad bilang “Home of Sports Hall of Famers.”

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia, inihahanda na ang isang batas na nagpapanukala na gawin ang isa sa pinakamatandang pasilidad para paglagyan ng mga pagkakakilalanlan sa mga Philippine Sports Hero sa kanyang pagdalo sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum kahapon.

“We are now working for the passage of a law that instead na gibain ang Rizal Memorial Coliseum, which has been home of many historical moments in our sports in the country, ay gawin na lamang itong pinakabahay kung saan maglalaman ito sa lahat ng ating mga Hall of Fame awardees,” sabi ni Garcia.

Ipinaliwanag pa ni Garcia na kasama sa itinutulak nitong batas ay ang pagtatakda din sa Rizal Memorial Coliseum bilang lugar para sa Asian Hall of Fame venue kung saan ilalagay din at makikita ang iba pang mga atleta sa mga karatig-bansa nito sa Asia na nagpakita ng husay sa komunidad ng sports.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We will not take away the basketball court inside because it has been part of many history as well as the other facility that could still help our athletes,” sabi pa ni Garcia. “We wanted it to be really home of the Hall of Fame for 2010 onwards because we plan to do it every other year.”

Hangad din ni Garcia na amyendahan ang Republic Act 8757 na nagmamandato sa pagkikila sa mga dating atleta upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang propesyonal na atleta at maipantay ang kanilang nominasyon sa mga pambansang atleta na mas marami ang sinasalihang international tournament.

“It will be hard for our professional athletes dahil merong pinagbabasehan na mga puntos sa bawat medalya na kanilang mapapanalunan so we will ask our Congress para maipantay natin ang nominations,” sabi pa nito.

Pinag-aaralan din ni Garcia ang pagtatalaga ng isang komite na siyang magtatakda para sa pagsasagawa ng mga head figure o mga mukha ng mga Hall of Fame awardee o pagkuha ng mga litrato ng mga iniangat sa pedestal dahil sa kanilang kontribusyon sa sports.

Mayroon nang Sports Museum ang ahensiya sa loob mismo ng Rizal Memorial Sports Complex kung saan nakalagak ang mga personal na kagamitan at mga napanalunang medalya ng mga atleta na nagbigay karangalan sa Pilipinas sa iba’t ibang pandaigdigang torneo. (Angie Oredo)