Tuluyan nang maba-bankrupt ang Social Security System (SSS) kapag naaprubahan ang panukalang P1,000 na dagdag sa pensiyon ng mga miyembro nito.

Ito ang tiniyak ni SSS President at Chief Executive Officer Emilio de Quiros, Jr. na nagsabing hindi pa rin kakayanin ng ahensiya ang mungkahing P500 hanggang P1,000 pension hike, makaraang i-veto ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang P2,000 across-the-board increase.

Aniya, kapag dinagdagan ang pensiyon, kinakailangang dagdagan ng SSS ng P28 bilyon ang average income nito na P33 bilyon bawat taon.

Kapag itutuloy, aniya, ang planong P1,000 pension increase, mapipilitan din ang SSS na taasan ang kontribusyon ng mga miyembro mula sa 11 hanggang 15.8 porsiyento para manatili ang lifespan ng ahensiya hanggang sa 2042.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Una nang sinabi ni Quiros na kapag inaprubahan ni Pangulong Aquino ang nasabing panukala ay aabot sa P26 bilyon ang net loss ng ahensiya kada taon.

Isa lang si House Speaker Feliciano Belmonte sa nagsusulong ng P1,000 na dagdag sa pensiyon.

Nauna nang tiniyak ni Belmonte na liliham siya kay Pangulong Aquino, gayundin sa SSS, maging sa Senado, kaugnay ng isinusulong niyang panukala. (ROMMEL TABBAD)