Natangayan ng mahigit P100,000 halaga ng alahas ang isang babaeng negosyante makaraan siyang mabiktima ng kanyang kasambahay na hinihinalang miyembro ng “Dugo-dugo” gang sa Quezon City, noong Lunes, matapos nitong sabihin sa kanya na naaksidente ang kanyang mister at nangangailangan ng malaking halaga.
Nagtungo sa pulisya si Marilyn Navarro, 50, ng Pael Subdivision, Barangay Culiat, upang ireklamo sa Quezon City Police District (QCPD) ang insidente na nangyari dakong 12:00 ng tanghali noong Lunes, habang siya ay nasa opisina.
Lumitaw sa imbestigasyon na naglalaba ang kasambahay ni Navarro na si Vicky Rosa nang makatanggap ito ng tawag sa telepono mula sa isang hindi kilalang lalaki at sinabing sugatan ang asawa ni Marilyn dahil sa isang vehicular accident.
Sinabihan ng suspek si Rosas na magtungo sa silid-tulugan at sirain ang drawer ng kanyang amo upang makuha ang mga alahas—apat na kuwintas, dalawang bracelet at isang relo—upang may maipambayad sa gastusin sa ospital ni mister.
Nakipagtagpo ang suspek kay Rosas, at iniabot sa una ang isang bag na naglalaman ng mga alahas.
Ayon sa pulisya, laking gulat ni Rosas nang umuwi ang mister ni Marilyn na walang sugat. (Vanne Elaine P. Terrazola)