Inalmahan ng mga negosyante ang apela ng Department of Trade and Industry (DTI) na dapat bumaba na ang presyo ng bilihin dahil sa malaking ibinaba ng presyo ng petrolyo sa bansa simula pa noong 2015.

Pinalagan ni Jess Aranza, presidente ng Federation of Philippine Industries (FPI), ang aniya’y hindi maingat na pahayag ng DTI lalo na kung wala itong sapat na batayan na magdudulot lang, aniya, ng “false expectation” sa publiko, partikular sa mga consumer at posibleng mauwi sa hindi pagkakaunawaan.

Aniya, wala naman silang sama ng loob sa DTI pero mas makabubuti kung pag-aaralan muna ng ahensiya ang lahat ng aspetong makaaapekto sa presyo ng iba’t ibang produkto bago ang pagbibitiw ng anumang pahayag.

Paliwanag ni Aranza, dapat munang magkaroon ng pag-uusap o konsultasyon sa pagitan ng DTI at manufacturer, distributor at retailer bago isulong ang price cut.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit muling nanindigan si DTI Undersecretary Victor Dimagiba na dapat nang maibaba ang presyo ng bilihin dahil may kanya-kanyang suggested retail price (SRP) ang bawat produkto at nakadepende rito ang ibabawas ng manufacturers sa tatlong porsiyento na natipid nito sa production cost bunsod ng pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Sa Biyernes makikipagpulong ang DTI sa National Price Coordinating Council tungkol sa usapin.

Unang iginiit ni Dimagiba na panahon na upang magkaroon ng rollback sa SRP ng bilihin gaya ng tinapay, kape, harina, bigas, instant noodles, gatas, sardinas, at iba pa, batay na rin sa datos ng Department of Energy (DoE) noong 2015 kasunod ng pagbaba ng presyo ng petrolyo maging ng liquefied petroleum gas (LPG) at raw materials.

Dapat nang makinabang ang consumer sa pagbaba ng 14 sentimos sa kada lata ng sardinas, 29 sentimos sa evaporated milk, 40 sentimos sa condensed milk, habang 38 sentimos sa kada karton ng powdered milk at 31 sentimos sa bawat pakete ng kape. (Bella Gamotea)