MAGKAIBANG pakikipagsapalaran ang tinahak ni Nap Rama: Ang una ay peryodismo at ang ikalawa ay abogasya. Subalit ang mga ito ay nakalundo sa kanyang pagiging isang makabayan. Si Atty. Rama, na nakagawian naming tawaging Nap, ay matagal na naging publisher ng Manila Bulletin (MB); at matagal na rin siyang nakapagreretiro nang siya ay sumakabilang-buhay kamakailan.

Malaking bahagi ng kanyang buhay ang ginugugol niya sa pagsusulat sa mga tanyag na babasahin. Ang kanyang mga obra-maestra ay puspos ng malalim na lohika, matatalim na argumento at nagiging batayan ng pagbalangkas sa makabuluhang mga patakaran na nakatuon sa makatarungang pamamalakad. Bahagi siya ng makatuturang editoryal ng MB.

Ang kanyang mga political article sa Philippine Free Press, halimbawa, noong hindi pa idinedeklara ang martial law, ay sumasagisag sa buong-tapang na pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag. Isa ito sa mga naging batayan upang siya ay tanghaling Journalist of the Year—ang pinakamataas na journalism award sa buong bansa. Nang ipinairal ang batas militar, ang natamo niyang karangalan ang sinasabing isa sa mga naging dahilan ng kanyang pagkakabilanggo sa Fort Bonifacio. Kasama niyang ipinaaresto ang mga kapwa niya mediaman na sina Chino Roces, Maximo Soliven, at Jose Mari Velez. Naging cellmate rin niya ang mga Senador na sina Benigno S. Aquino, Jr., Jose Diokno, Francisco Rodrigo at Ramon Mitra.

Nang si Nap ay pinalaya, at nang siya ay nanungkulan na bilang MB publisher, hindi kumupas ang kanyang pagpapahalaga sa press freedom. Sa paminsan-minsang pagpupulong sa naturang tanggapan, lagi niyang ipinahihiwatig ang pangunahing misyon ng mga mamamahayag: Ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag sa lahat ng pagkakataon. Maliwanag na ito ang naging angkop na batayan upang siya ay taguriang ‘icon of journalism’.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bilang isang kilalang abogado, pinatunayan din ni Nap ang kanyang pagiging makabayan nang siya ay maging mataas na Komisyonado ng Constitutional Convention noong panahon ni Presidente Cory Aquino. Katuwang siya sa pagbalangkas sa 1987 Constitution na umiiral hanggang ngayon.

Ito si Nap, isang kapatid sa propesyon na maituturing din bilang isang contemporary hero ng bansa. (CELO LAGMAY)