HABANG nalalapit ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Benigno Aquino III, pinagtatalunan naman ng mga analyst kung ano ang legacy ng kanyang panguluhan.

Itinuturo ng kanyang mga tagapagtanggol ang malakas na ekonomiya bilang isa sa kanyang mga nagawa. Nababasa natin ang mga ulat tungkol sa positibong taya sa ekonomiya—ang performance ng stock market, ang pagtaas ng credit rating ng bansa at ng antas ng ating competitiveness.

Sa kabilang dako, itinuturo ng mga kritiko ang kabiguan ng administrasyon na lumikha ng trabaho para sa mamamayan—ang antas ng kawalan ng hanapbuhay ay halos hindi nagbago sa 6-7%; ang paglago ng ekonomiya ay hindi naranasan ng nakararami—kaya ang antas ng kahirapan ay nanatili sa 25% mula noong 2009.

Nakatago sa likod ng maningning na datos sa ekonomiya ang isa pang suliranin na sinasabing dahilan kaya mahirap panatilihin ang paglago ng ekonomiya sa mahabang panahon: imprastruktura.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nangungulelat tayo sa paggasta sa imprastraktura. Binabanggit ng mga mamumuhunan at negosyante ang kalidad ng imprastruktura bilang malaking balakid sa patuloy na pagsulong ng ekonomiya.

Halimbawa, batay sa World Economic Forum Global Competitiveness Index, ang Pilipinas ay pang-95 sa 144 na bansa sa kalidad ng imprastruktura noong 2014-2015. Nasa ika-108 tayo sa air transport infrastructure, at ika-87 sa kalidad ng kalsada.

Ang imprastruktura ay tumutukoy maging sa elektrisidad at komunikasyon. Kailangan din natin ang mahusay na telecommunications network para sa negosyo.

Makatutulong din ang malawak na imprastruktura sa pagpapaunlad ng turismo.

Kritikal din ang imprastruktura sa isang bansa na laging nakararanas ng kalamidad. Ayon sa 2014 World Risk Index, ang Pilipinas ang ikalawang “most at risk” sa buong daigdig, at pangatlo sa “most exposed” sa mga kalamidad.

Nagiging suliranin ang mahina at lumang imprastruktura sa panahon ng kalamidad, dahil nakahahadlang sa mabilis na pagkilos upang matulungan ang mga apektado ng mga ito.

Bakit, kung gayon, hindi gumugol ng sapat ang administrasyon para sa imprastruktura?

Nahalal si Pangulong Aquino noong 2010 dahil sa malakas na kampanya laban sa katiwalian, na ibinibintang sa pinalitang administrasyon. Hindi nga kataka-taka na naging konserbatibo ang pamahalaan sa pagpasok sa mga kontrata.

Dahil dito, dapat bigyan ng pangunahing prayoridad ng susunod na pangulo ang pagtatayo ng isang infrastructure network na magpapaluwag sa Metro Manila at magpapaunlad sa kanayunan. (MANNY VILLAR)