Pitong katao ang naaresto makaraang salakayin ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-S0TG) ang isang pinaniniwalaang drug den sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa report ni Chief Insp. Allan Rabusa R. Ruba, hepe ng SAID-STO, kabilang sa pitong nadakip sina Marvin Rivamonte, 30; Julius Dizon, 25; Reccar Braga, 20; Edmar Bayanay, 32; at Paul Vincent Funa, 23.
Narekober sa mga suspek ang pitong sachet na naglalaman ng shabu, iba’t ibang drug paraphernalia at apat na cell phone.
Ayon kay Ruba, dalawang araw bago ang raid, may natanggap silang reklamo, sa pamamagitan ng text message, na ginagawang drug den ang Willex Compound sa Barangay Lingunan, Valenzuela City.
“Kinumpirma po namin ‘yung reklamo sa text message at nang ma-confirm na positive ay ikinasa namin ‘yung operation,” ani Ruba.
Bandang 11:00 ng gabi noong Lunes nang sinalakay nina Ruba ang nabanggit na lugar, at nahuli pa umanong gumagamit ng shabu ang mga suspek. (Orly L. Barcala)