Kumpirmado nang magtatanggol sa unang pagkakataon ng kanyang WBO super bantamweight title si “The Filipino Flash” Nonito Donaire Jr. laban kay European junior featherweight titlist Zsolt “Lefthook” Bedak ng Hungary sa Abril 9 sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa panayam ng BoxingScene.com sa manager ni Donaire na si Cameron Dunkin, nilinaw nitong may “verbal agreement” na sila mula sa kampo ni Bedak na dating pambato ng Hungarian Olympic team at tumalo kay three-division world titlist Abner Mares ng Mexico sa 2004 Athens Olympics sa Greece.
“I talked to the guy and we’ll get the contracts out but they have agreed to take the fight. We are gonna go forward,” ayon kay Dunkin kaya sigurado nang makakaharap ni Donaire si Bedak na nakalistang No. 5 sa WBO at No. 13 sa WBA sa super bantamweight rankings.
Magandang laban para kay Donaire si Bedak na sugod nang sugod at natalo lamang sa minsang biktima niya na si ex-WBO super bantamweight titlist Wilfredo Vasquez Jr. ng Puerto Rico noong 2010 sa pamamagitan ng 10th round TKO.
May rekord si Bedak na 25-1-0 win-loss-draw, 8 panalo ay galing sa knockouts at nagwagi sa puntos sa kanyang huling laban sa minsang dumayo sa Pilipinas na si dating WBC International at African Union bantamweight titlist Nick Otienno ng Kenya noong Setyembre 19, 2015 sa Szentes, Hungary.
Handa naman si Donaire, may kartadang 36-3-0 win-loss-draw na kinabibilangan ng 23 knockout wins, at nagsimula ng magsanay sa Cebu City matapos ang bakasyon ng kanyang pamilya sa Palawan. (Gilbert Espeña)