Umabot na sa P2 milyon halaga ng donasyon at benepisyo ang natanggap ng bawat pamilya ng 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) na napatay sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao halos isang taon na ang nakararaan.

Ito ang binigyang-diin ni Senior Supt. Manuel Abu, hepe ng Directorate for Personnel Records and Management (DPRM)-Morale and Welfare Division, na nagsabing bukod pa ang naturang halaga sa programang pabahay at scholarship na inilaan para sa tinaguriang “SAF 44.”

Ang pahayag ni Abu ay bilang reaksiyon sa hirit ng mga kaanak ng mga napatay na police commando na wala pa silang natatanggap na ano mang benepisyo mula sa gobyerno.

Nagiging emosyonal na rin para sa mga naulilang pamilya ang muling pagbuhay ng Senado sa imbestigasyon sa brutal na pagkamatay ng SAF 44 na itinakda sa Enero 27, dalawang araw matapos ang unang anibersaryo ng insidente.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

“Kung ang PNP ang tatanungin, naproseso at naibigay na ang lahat ng kinakailangang benepisyo na dapat nilang matanggap,” ayon kay Abu.

Aniya, P69.5 milyon ang ibinigay ng gobyerno at iba’t ibang ahensiya na may kinalaman sa PNP, kabilang ang insurance company na nagseserbisyo sa mga pulis na naglaan ng P24.5 milyon; National Police Commission, P14.5 milyon; at Presidential Security Fund, P11 milyon.

“Kumpleto ang aming record at ang mga ito ang magpapatunay na nakatanggap na sila ng average na P2 milyon kada pamilya,” giit ni Abu.

Ipinaliwanag din ng opisyal na hindi magkakapareho ang benepisyo na natanggap ng pamilya ng mga napatay na SAF member dahil magkakaiba ang ranggo at haba ng serbisyo ng mga ito, na kasama sa kuwentahan ng matatanggap na benepisyo.

Aniya, hiwalay pa ang mga nabanggit na benepisyo sa buwanang pensiyon na matatanggap ng bawat naulilang pamilya.

Nakumpleto na rin ang pagkukumpuni sa 32 bahay para sa bawat pamilya, habang 24 na iba pa ang malapit na ring maitayo.

“We have a balance with 12 because during the meeting between the President and the SAF 44 relatives, the President made a promise to give each of those families who attended with a housing unit,” ayon kay Abu. (AARON RECUENCO)