Tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang limang sundalo naman ang nasugatan, sa magkahiwalay na engkuwentro ng mga rebelde sa militar sa Camarines Sur at Compostela Valley nitong Sabado at Lunes.

Ayon sa report ng Caramoan Municipal Police, nakasagupa nitong Lunes ng mga tauhan ng 83rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga rebelde sa Barangay Gibgos, Caramoan, Camarines Sur, at napatay ang pinaniniwalaang NPA members na sina Mike Rebuya at Rodolfo Fuentebella.

Nabatid na nagsasagawa ng combat operations ang mga tauhan ng 83rd Infantry Battalion, 91st Division Reconnaissance Company, at 22nd Infantry Battalion ng 9th Infantry Division ng Army, nang makasagupa ang 14 na rebelde

Matapos ang 15 minutong sagupaan, narekober ng militar ang matataas na kalibre ng armas, kabilang ang apat na M16 rifle, isang M203, grenade launcher at tatlong landmine.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Walang iniulat na nasugatan sa panig ng pamahalaan, ngunit sa serye ng engkuwentro sa Compostela Valley nitong Sabado ay limang sundalo ang nasugatan.

Ayon sa impormasyong isinapubliko ng 10th Infantry Division, nangyari ang unang sagupaan sa mga kasapi ng Guerilla Front 25 ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) dakong 10:00 ng umaga sa Sitio Mainit, Pagsabangan, New Bataan.

Sa clearing operations na natuklasan ang bangkay ng isang rebelde, na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan at inilagak sa Alar Funeral Homes sa Compostela.

Sa ikalawang engkuwentro nang araw din na iyon, naglalakad ang mga miyembro ng 46th Infantry Battalion nang pasabugan sila ng isang improvised explosive device (IED) sa Sitio Lugpaton, Barangay Kingking, Pantukan.

Limang sundalo ang nasugatan na kinilalang sina Sgt. Fernandez, Cpl. De Asis, PFC Silagan, PFC Sagario, at PFC Dublas. (FER TABOY at ELENA ABEN)