Pormal na inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia ang 17 bagong miyembro ng mga dating pambansang atleta na nagbigay karangalan sa bansa na iluluklok nila sa Hall of Fame sa pagdaraos ng ahensiya ng ika-26 nitong anibersaryo sa Enero 25.

Ang 17 bagong iluluklok sa Hall of Fame ay binubuo nina Heidi Coloso-Espino (swimming), Edgardo Ocampo (basketball), Mariano Tolentino (basketball), Eugene Torre (chess), Reymundo Deyro (lawn tennis), Mona Sulaiman (athletics), Juan Jose (lawn tennis), Inocencia Solis (athletics), Jacinto Cayco (swimming), Felicisimo Ampon (lawn tennis), Martin Gison (shooting), Adolfo Feliciano (shooting), Salvador Del Rosario (weightlifting), Aisha Gomez (athletics), Kurt Bachmann (basketball), Muhammad Mallah at Gerardo Rosario na kapwa sa swimming.

“We will invite these honorable athletes or their representatives to receive a plaque and P100,000 peso incentive as part of their recognition for giving, pride, honor and prestige to our country,” sabi ni Garcia.

Unang pinagpilian ang kabuuang 24 na personalidad na nominado para sa natatanging karangalan hanggang sa unti-unti itong napababa sa kabuuang 17 base sa kanilang mga nakuhang puntos mula sa mga pinagwagiang torneo sapul ng sumali ang Pilipinas sa Olympics noong 1924 at sa Asian Games noong 1951.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Matatandaang iniluklok sa unang batch ang propesyonal at naging world boxing champion na si Gabriel “Flash” Elorde, Pancho Villa, Ceferino Garcia,mag-amang Olympian boxers na sina Jose at Anthony Villanueva na nagwagi ng pilak noong 1964 Tokyo Olympics; ang swimmer na si Teofillo Yldefonso, tracksters na sina Miguel White at Simeon Toribio at si Carlos Loyzaga kasama ang 1954 Philippine men’s basketball team na nagwagi ng tansong medalya sa World Basketball Championships sa Rio de Janeiro, Brazil mula sa pinagpiliang 149 katao na nagwagi ng iba’t ibang kulay ng medalya simula noong 1924 hanggang 1974. (Angie Oredo)