serena williams copy

Binura ni defending champion Serena Williams ang lahat ng duda tungkol sa kanyang kondisyon matapos ang apat na buwang break sa laro sa pamamagitan ng itinala nitong 6-4, 7-5 na panalo kontra kay Italian Camila Giorgi upang makausad sa second round ng Australian Open.

Ang world No.1 player ay muling sumabak sa aksiyon matapos ang huling laro nito sa nakaraang US Open noong Setyembre ng nakalipas na taon nang harapin niya sa loob ng Rod Laver Arena ang highest-ranked unseeded player sa draw.

Matatandaang umatras sa kanyang unang laban sa Hopman Cup sa Perth noong unang linggo ng buwan si Williams dahil sa pamamaga ng kanyang tuhod.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ngunit sa kanyang unang laro sa Australian Open laban kay Giorgi ay wala umanong naging problema ang 34-anyos na si Williams sa kanyang tuhod.

“(The knee is) great. It was an hour and 43 minutes and I didn’t feel it at all,” ayon kay Williams.

“I think I served well today. I think ... I got broken once, but other than that I was able to stay focused on that part.”

Isang kalmado at nakapokus na Williams ang maagang nagtala ng 4-1 na kalamangan sa simula ng laban habang tumaas ang temperatura sa lugar sa 32 degrees Celsius (90 Fahrenheit).

Ngunit hindi agad bumitaw ang 36th-ranked na si Giorgi at nakipagsabayan kay Williams sa pamamagitan ng kanyang matinding forehand sa labanan nila sa baseline na umani ng malalakas na sigaw ng pagkaunsiyami sa Amerikanang kalaban.

Gayunman, nanaig pa rin sa huli si Williams matapos paulanan si Giorgi ng kanyang matutulis na first serves.

Susunod na makakalaban ni Williams ang 90th-ranked Taiwanese na si Hsieh Su-Wei.

“I have been going non-stop since the London Olympics, and seeing that this is another Olympic year, I kind of wanted to start the year out really fresh and really go at it again as hard as I can,” ayon pa kay Williams.

“I just needed that time to just recover the best of my ability and get really fit ... and really train and get ready for the season.” (Reuters)