IBINASURA ni Pangulong Aquino ang panukalang magdadagdag ng P2,000 sa buwanang pensiyon ng mga retirado ng Social Security System (SSS) dahil, aniya, sa “dire financial consequences” nito sakaling aprubahan. Ang panukala, aniya, ay magbubunsod ng karagdagang pagbabayad sa mga pensiyonado na aabot sa P56 bilyon kada taon. Kapag nangyari ito, masasaid na ang SSS Investment Reserve Fund pagsapit ng 2029.
Maaaring magkatotoo ito kung, sa kasalukuyan, ay walang gagawin ang gobyerno tungkol dito. Sa susunod na 13 taon hanggang sa 2029, wala bang magagawa ang gobyerno upang malikom ang kinakailangang pondo? At wala bang magagawa ang SSS para maisaayos ang pangasiwaan nito, gaya ng pagpapabuti sa 40 porsiyentong rate of collection nito sa mga delingkuwenteng employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado?
Alinsunod sa Social Security Law, ang RA 8282 na inaprubahan noong 1997, ang pondo ng SSS ay magmumula sa kontribusyon ng mga pribadong employer at kanilang mga empleyado, gayundin mula sa mga kasapi na self-employed.
Bilang ambag sa operasyon ng SSS, dapat na maglaan ang Kongreso ng pondo taun-taon upang makatupad sa mga gastusin ng ahensiya. Bukod dito, itinatakda rin ng batas na maglaan ang Kongreso ng halagang kinakailangan upang matiyak na magiging sapat ang pondo ng SSS. Ang mga benepisyong nakasaad sa RA 8282 “shall not be diminished and to guarantee said benefits, the Government of the Republic of the Philippines accepts general responsibility for the solvency of the SSS.”
Bahagi ng dahilan sa matinding pagtuligsa sa pag-veto ng Pangulo sa panukala ay ang katotohanang may pondo ang gobyerno para sa maraming proyekto at programa, gaya ng P62-bilyon Conditional Cash Transfer Progam (CCT). Ang nasabing halaga ng pondo ay pakikinabangan ng pinakamahihirap na pamilya sa bansa bilang ayudang pinansiyal ng gobyerno.
Kung magagawa ng gobyerno na magkaloob ng P62 bilyon kada taon para sa CCT, hindi ba nito makakayang maglaan ng P56 bilyon upang tulungan ang SSS sa pangangalaga sa mga retiradong miyembro nito sa mga huling araw ng kanilang buhay, partikular na sa kanilang mga medikal na pangangailangan? Sakaling ayaw naman nitong galawin ang pondo ng CCT, hindi ba maaaring gamitin na lang ang bahagi ng bilyun-bilyong lump-sum appropriations na nakapaloob sa pambansang budget?
Ang pinakamababang pensiyon ng mga retirado sa ngayon ay nasa P1,200 lang; para sa mga nagtrabaho nang 20 taon, nasa P2,400—napakababa kung ikukumpara sa gastusin para sa isang disenteng pamumuhay. Ang karagdagang P2,000 na ibinasura ng Pangulo ay napakalaking tulong na sana sa kanila.