psa

Sa pagpasok ng Finals ng torneo sa NCAA na masusundan ng pagbubukas ng UAAP sa pagtatapos ng buwan, inaasahang magiging usap-usapan na naman at mainit na paksa sa mundo ng sports ang volleyball.

Ganito na ngayon ang sitwasyon ng volleyball sa bansa sa nakalipas na dekada matapos nitong maging susunod na paboritong pinapanood ng mga Filipino sports fans kasunod ng basketball.

Dulot na rin ito ng mga post-collegiate plays na siyang pinagkakaabalahan ng mga players kapag off-season na siya ring nagiging daan upang makilala sila nang husto at hangaan.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Halos tila natutulog noong kalagitnaan ng 1990’s, kakaibang popularidad na ang tinatamasa ngayon ng volleyball, partikular ang women’s volleyball magmula ng magsanib ang Sports Vision at Shakey’s para muli itong buhayin sa pamamagitan ng paglulunsad ng V-League noong 2004.

Ngunit gaya ng ibang panimula, hindi naging madali ang lahat para sa Sports Vision at Shakey’s para mapanatiling buhay ang liga hanggang sa umabot ito sa katanyagang tinatamasa nito ngayon.

Sinandigan nila ang mga dating magagaling na manlalaro at mga baguhan para makakuha ng kaukulang interes ng mga fans kasabay ng paglulunsad ng iba’t-ibang mga pagbabago kabilang na ang television coverage para mabigyan ito ng tinatawag na “mainstream appeal”.

Ngayon, hindi lamang naging daan ang sport sa mga kabataang manlalaro na naghahangad na maging tanyag kundi nagbigay din ito ng inspirasyon sa iba pang grupo na magtayo ng sarili nilang mga torneo at liga.

Bunga nito, mas lalo pang lumago ang sport at patuloy na tumutuklas ng mga pangalan na maaaring ihanay sa mga naging produkto nila na gaya nina Rachel Daquis, Aiza Maizo, Jean Balse, Nene Bautista, Angge Tabquero, Suzanne Roces, Angela Benting, Michelle Carolino at Alyssa Valdez na napili bilang top 10 players ng fans sa nakaraang 10th year anniversary ng Shakey’s V-League.

Naging napakapopular na ngayon ng volleyball na pinatunayan sa isang non-bearing UAAP game ng collegiate rivals Ateneo at La Salle ay umabot sa 19,000 fans ang dumagsa sa 16,000-seater MOA Arena.

Inaasahan na muling mauulit ang ganoon kalaking bilang ng mga fans na iniuugnay sa naging popularidad ng V-League ngayong Season 78 ng UAAP kung saan muling magtatapat ang three-peat seeking Ateneo at La Salle gayundin ang iba pang mga koponang may malakas ding hatak sa mga fans gaya ng National University, University of Santo Tomas at University of the Philippines.

“Frankly, the results were more than we ever hoped for,” ayon kay Ricky Palou ng Team Sports Vision na kinabibilangan ng dati at yumao ng PBA commissioner na si Jun Bernardino, dating Asian Basketball Confederation secretary-general Moying Martelino at Qatar Basketball Federation players affairs supervisor Rhea Navarro,

Nakipagsanib-puwersa sila sa Shakey sa pamamagitan ng general manager na si Vic Gregorio upang maitatag ang V-League, na ngayo’y mayroon ng tatlong conferences na magkakaibang formats.

Sa nakalipas na dalawang taon, mas umangat pa ang volleyball sa pagsilang ng isang bagong pro club tournament, at pioneering men’s league.

“We’d be frank to say that all our efforts helped resurrect volleyball. And the live coverage of the games the last few years has further spurred the interest of the public,” ani Palou.

Binigyan diin rin ng Sports Vision ang tinatawag na “transition” kung saan bibinigyan ng V-League ng kaukulang pupuntahan ang mga players pagkatapos nilang maglaro sa collegiate ranks.

“Transition (of talents) is key to keeping the league’s popularity. Talents will come and go but the league will continue discovering and producing stars year-in and year-out,” ayon pa kay Palou.

Ngunit hindi dito natatapos ang lahat, dahil bukod sa pagbibigay pagkakataon sa mga fans na mapanood ng live sa telebisyon ang kanilang mga laro, hangad din ng V-League ang lalo pang mapataas ang lebel ng kompetisyon ng volleyball sa bansa tungo sa tunay nilang hangarin.

“Our real dream is to see our national women’s team be a force to reckon with in international competitions,” saad ni Palou.