Dominador Alviola Jr

PINABILIB ni Dominador Alviola Jr. mula Mati, Davao Oriental ang madlang pipol at mga hurado sa kanyang angking galing sa pagkanta kaya naman siya ang itinanghal bilang pinakaunang semi-finalist ng “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime.

 

Limang araw na naghari sa entabado ang Ulirang Tatay ng Davao at naging kinatawan ng Mindanao. Gamit ang kanyang malamig na tinig, unang ginulat ni Dominador ang mga manonood sa kanyang pagbirit sa kanta ni Tom Jones na I Can’t Stop Loving You. Ang kantang One in a Million You naman ni Larry Graham ang naghatid sa kanya sa rurok bilang unang semi-finalist ng nasabing patimpalak.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa kanyang pagsali sa “Tawag ng Tanghalan,” umaabot na ng P100,000 ang kanyang napanalunan. Lubos din ang pasasalamat niya sa It’s Showtime para sa oportunidad na ipakita ang kanyang talento sa madlang pipol.

 

Samantala, kakaibang saya naman ang dala ng mga hurado sa nagbabalik na singing competition sa pangunguna ng legendary singer-songwriter at punong hurado na si Rey Valera. Kasama rin niya ang 13-week “Tawag ng Tanghalan” defending Champion na premiere director at starmaker na ngayon na si Bobot Mortiz at ang total entertainer na si Rico J. Puno.

 

Bukod sa tatlong OPM legends, kasama ring kumikilatis sa contenders ang unang Pinoy Dream Academy Grand Star Dreamer at Philippine’s Pop Rock Princess na si Yeng Constantino; ang OPM and showbiz royalty na si Karylle; ang first-ever The Voice of the Philippines Grand Winner na si Mitoy Yonting; at ang singer, composer and acoustic king na si Nyoy Volante.

 

Hindi rin naman magpapahuli sa paghahatid ng good vibes ang singer, recording artist, comedienne, host at bipolar diva ng “Tawag ng Tanghalan” na si K Brosas at ang dating kontesera at ngayon ay queen mother ng Tanghalan na si Karla Estrada.

 

Huwag palampasin ang galing ng Pinoy sa kantahan sa pagbabalik ng singing competition na minahal ng masa, ang “Tawag ng Tanghalan,” sa It’s Showtime tuwing tanghali.