Matagumpay na nalagpasan ng San Antonio Spurs ang pagtatangka ng dumadayong Dallas Mavericks na madungisan ang kanilang rekord sa At&T Center matapos nilang ibaon ang huli, 112-83, at panatilihin ang malinis na 24-0 panalo sa kanilang homecourt.

Bagamat napakapangit ng naging simula, ginamit ng Spurs ang magandang bunot na si rookie Jonathon Simmons upang burahin ang 14-16 pagkahuli sa pagtatapos ng first quarter – ang pinakamababang naitala ng Spurs ngayong season.

Matapos mabutata ni JaValee McGee ang kanyang tangkang pag-dunk sa ikalawang yugto, bumawi si Simmons at nagpasok ng dalawang three-pointers upang ibigay sa Spurs ang 27-26 na kalamangan, may 6:41 pa sa oras.

Mula roon ay hindi na nagawang makabangon pa ng Mavericks.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagtala ng kabuuang 64 puntos sa dalawang sunod na quarters ang Spurs at tuluyan nang namaga ang kanilang kalamangan, 78-56, papasok ng huling kanto.

Pinangunahan ni LaMarcus Aldridge ang opensa ng Spurs sa produksyon nitong 23 puntos habang nag-ambag si Boris Diaw ng 15 puntos at 14 puntos naman si Simmons.

Nalimitahan naman si Mavericks star Dirk Nowitzki sa apat na puntos habang gumawa lamang ng walong puntos si Deron Williams.

“Neither one of us could make a basket. Both teams started out very poorly as far as shooting the basketball, so it was tit for tat, so to speak,” saad ni Spurs coach Gregg Popovich.

Masamang balita naman ang pag-alis ni Spurs guard Tony Parker sa dulo ng third quarter dahil sa pamamaga ng kanyang balakang. Matatandaang na-injured na si Parker sa nasabing parte at hindi nakalaro ng dalawang laban sa pagsisimula ng Enero.

Samantala sa iba pang laro, isang matalim na three-pointer ang pinakawalan ni Randy Foye sa nalalabing 21 segundo upang tulungan ang Denver Nuggets na makaalpas sa dumadayong Indiana Pacers, 129-126, at itala ang kanilang ikapitong sunod na panalo sa homecourt laban sa Pacers.

Nagawa pang makalamang ng Pacers, 119-116, bago nabuhayan ang Nuggets sa ipinukol na tres ni Will Barton na nagpatabla sa laban. Nagpalitan ang dalawang kampo ng mga tira hanggang sa ipinasok ni Foye ang tie-breaker na tres.

Wagi rin ang Minnesota Timberwolves sa Phoenix Suns, 117-87; Oklahoma City Thunder sa Miami Heat, 99-74; at Houston Texas sa Los Angeles Lakers, 112-95. (MARTIN A. SADONGDONG)