“DAHIL sa EDCA”, wika ni Senior Justice Carpio ng Korte Suprema, “magkakaroon ng batayan ang pagkaparito sa ating bansa ng mga sundalong Amerikano.” Ito, aniya, ang nakapigil sa China sa pambu-bully sa atin. Ang tinurang ito ng Senior Justice ay bahagi ng kanyang concurring opinion sa isyu ng constitutionality ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Isa siya sa mga mahistrado na bumoto pabor sa constitutionality ng nasabing kasunduan sa pagitan ng Amerika at ng ating bansa. Ang usapin ay nakarating sa Korte dahil labag ito sa Saligang Batas, dahil hindi lang ito Executive Agreement kundi treaty na dapat na nagdaan muna sa Senado para aprubahan. Eh, si Pangulong Noynoy lamang ang lumagda sa kasunduan para sa ating bansa.
Ang malaking problema, sa kabila ng EDCA ay patuloy na sinasakop ng China ang mga islang inaangkin nating bahagi ng ating bansa. Katunayan nga, nagawa na nito ang runway na nilapagan na ng mga eroplanong pang-komersiyo. Bukod dito, may mga islang inaayos na para sa pansarili nitong layunin at kapakanan. Kung bakit ganito katapang ang China sa pag-angkin at pagsakop sa mga islang inaari nating atin, walang ibang dapat sisihin kundi silang mga namuno at namumuno sa atin.
Noon naman ay malayang nakakapangisda ang ating mga kababayan sa lugar na sakop natin. Ito lang huli, nang mam-bully na ang China at itinaboy ang ating mga sasakyang pandagat na naglayag sa nasabing lugar. Kasi, nakaipon na ito ng sapat na lakas. Napaganda na ang relasyon, lalo na iyong pang-ekonomiya, sa Amerika na lagi nating sinasangkalan para sa ating proteksiyon at seguridad. Napakalaki nga ang ipinautang ng China sa Amerika.
Samantala, wala tayong ginawa sa panahong malaya nating nagagamit ang lugar at nakakapangisda ang ating mga kababayan. Hindi natin pinalakas ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ginawa lang itong gatasan ng mga namuno sa atin. Bumili ng mga helicopter na segunda-mano at pinalabas na brand new. Hindi na nga pinarami ang ating sundalo, kinukotongan pa ang kanilang sahod at pangangailangan. Kaya, nagsiaklas si Sen. Trillanes at mga kapwa niya sundalo.
Kung malakas ang ating Sandatahang Lakas at pinalibutan nito ng puwersa ang lugar na natatamasa na natin noon, hindi basta-bastang itataboy tayo ng China. Totoo, malakas ang China, pero mag-iisip ito nang dalawang beses bago gumamit ng dahas. Kasing lakas din ng bala ang pandaigdigang opinyon na makakalaban nito kapag dinahas tayo. Isa pa, hindi naniniwala ang China na mapapag-isa tayo ng ating mga leader sa pagtatanggol sa ating mga inaaring isla. Kasi, pera-pera lang sila. (RIC VALMONTE)