Matapos makalaban ang ilang pipitsuging boxer, naka-iskor ng panalo si young boxing prospect Dodie Boy Penalosa, Jr. sa isang kalaban na may winning record.

Sa kanyang latest United States campaign, isang round lamang tumagal kay Penalosa si Szilveszter Ajtai ng Hungary sa kanilang scheduled eight round bout, Linggo ng umaga (Manila time) sa ABC Sports Complex, Springfield, Virginia

Si Ajtai ang ikalimang opponent ng 24-anyos na si Penalosa simula nang pumirma ito ng managerial contract kay Cameron Dunkin, ang parehong manager ni Filipino Flash Nonito Donaire, Jr.

Ang apat na nauna nang nabiktima ni Penalosa sa US ay sina Stephon McIntyre, Greg Coverson, Jr., DeWayne Wisdom at Johnny Frazier na pare-parehong may losing records.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang 17-anyos na si Ajtai ay may anim na pro fights bago niya harapin si Penalosa ngunit naipanalo nito ang unang apat na laban bago makalasap ng draw at talo sa huling dalawang laban nito.

Ngunit sa huli ay namayani ang experience at lakas ni Penalosa kontra sa Hungarian na yumukod sa unang round pa lamang matapos tamaan ng isang solid left hook sa katawan.

“Natakot din po ata kasi nung umpisa pa lang tinamaan ko na sa katawan. Nung follow up dun na natumba, hindi na nakayanan kaya hindi na tumayo,” ani Peñalosa na dahil sa panalo ay may naitala nang 18-0, 14KO tally.

Si Ajtai ay late replacement lamang na pumayag makalaban si Penalosa sa araw ng weigh-in matapos hindi payagan si ang orihinal nitong kalaban na isa ring Hungarian na si Robert Kanalas na sinasabing masyadong maliit para sa undefeated Filipino boxer.

“Maliit daw kasi kaya si Ajtai ang ipinalit. Hindi na kami nagreklamo kasi napanood ko sa youtube yung laban niya.

Kayang-kaya naman,”ani Peñalosa.

Ang first round stoppage win ni Penalosa ang ikalawang sunod na knockout win ng Cebuano boxer matapos patulugin nito si Frazier sa opening round noong December sa Fishers, Indiana.

Samantala, ibinunyag ni Penalosa na posibleng isang televised major card ang susunod niyang susuungin sa buwan ng Marso. (DENNIS PRINCIPE)