DINAGSA ng napakaramang deboto ang kapistahan ng Sto. Niño de Tondo. Ang oras-oras na misa na nag-umpisa alas tres ng hapon ng bisperas ng pista (Sabado, Enero 16) at hanggang sa huling misa ng alas onse ng gabi ng kinabukasan (Linggo Enero 17) ay hindi mahulugang-karayom ang mga nagsimba.

Muling napatunayan na isa sa may pinakaraming deboto ang batang Jesus na halos lahat ay isinasayaw ang kanilang dala-dalang imahe ng Sto. Niño habang binabasbasan pagkatapos ng misa.

Siyempre, dahil panahon ng eleksiyon ay hindi maiwasan ang pakikigulo ng ilang kandidato kasabay ang pangangampanya.

Sa isinagawang “Lakbayaw o Lakbay Sayaw” last Saturday, nabahiran ang maganda at masaya na sanang daloy ng aktibidad pagdating ng mga pulitiko kasabay ng kanilang bitbit na supporters.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ipinakita ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na kayang-kaya niyang maglakad kasabay ng konting indak sa malayu-layong ruta ng “Lakbayaw”.

Hindi rin nagpahuli ang si dating Mayor Alfredo Lim na panahon man ng eleksiyon o hindi ay laging nakikiisa sa “Lakbayaw”.

Present din ang iba pang mga pulitiko na tumatakbo sa iba’t ibang posisyon kagaya ng numero unong konsehal ng Tondo na si Coun. Ernix Dioniso na tumatakbo para congressman at ang amang dating konsehal na si Sir Dionix Dionisio na tatakbo uli for councilor.

Kahit may mga paalala na ang arsobispo ng Maynila na si Cardinal Luis Tagle tungkol sa mga pulitiko, wala na ring magawa ang mga namamahala ng parade at siyempre, kahanga-hanga na rin ang ipinakita nilang pakikiisa sa proyekto sa kasalukuyang Kura Paroko ng Sto. Niño na si Rev. Fr. Lito Villegas.

Kinagabihan ay hindi rin mahulugang-karayom ang mga nanood ng libreng palabas na handog ni Mayor Erap Estrada, ginanap ito sa kahabaan ng Moriones Street. Siyempre, present si Mayor Erap kasama ang ilang kapartido.

Kasama sa mga inimbitahan si Vice Ganda na talagang pinagkaguluhan at siyempre ang Kilabot ng Kolehiyala na si Michael Pangilinan na sobrang hinihiyawan ng mga taga-Tondo lalung-lalo na nang kantahin niya ang awiting Pare, Mahal Mo Raw Ako. (Jimi Escala)