Patuloy ang pagbaba ng produksiyon ng palay at mais sa Davao region dahil sa El Niño phenomenon, na inaasahang tatagal hanggang Mayo o Hunyo ngayong taon.
Sa ulat ni National Economic Development Authority (NEDA) Region 11 Director Maria Lourdes Lim, bumaba ang produksiyon ng palay ng 7.3 porsiyento habang ang mais ay bumaba rin ng 21.4 na porsiyento.
Lumitaw sa datos ng Regional Development Council (RDC)-Region 11 na umabot sa 361,350 metriko tonelada ang naaning palay mula first hanggang third quarter ng 2014, na mas mataas kumpara sa 334,844 MT noong 2015.
Pumalo naman sa 185,845 MT ang produksiyon ng mais mula first hanggang third quarter ng 2014, na bumulusok sa 131,734 MT noong 2015.
Upang mabawasan ang epekto ng mahabang panahon ng tagtuyot sa produksiyon ng palay at mais sa rehiyon, sinabi ni Davao del Norte Governor at RDC-11 Chairman Rodolfo del Rosario na bibigyang prioridad ng ahensiya ang implementasyon ng Roadmap to Address the Impact of El Niño (RAIN) ngayong taon.
“The RAIN that was prepared by the cabinet-level El Niño Task Force and chaired by NEDA secretary will be prioritized this year among the 11 concerns of RDC-11 as this will address the impact of El Niño particularly on food security, energy security, health and safety,” giit ni Del Rosario.
Inihayag din ni Lim na nagsagawa na ng assessment ang National Irrigation Administration (NIA) sa estado ng mga pasilidad sa irigasyon sa rehiyon.
Umabot na sa 110,353 ektarya ng lupaing agrikultura sa Davao region ang mayroon nang irigasyon subalit bumaba pa rin sa 62.29 na porsiyento ang target for accomplishment sa implementasyon ng irrigation project nitong 2015, mula sa dating 66.04 porsiyento.