Sisiyasatin ng pulisya ang pagsabog ng isang kotse makaraang sumalpok ito sa puno, na ikinamatay ng anim na menor de edad, sa Tagaytay-Calamba Road sa Tagaytay City, noong Linggo.
Bukod dito, sinabi rin ni Supt. Ferdinand Ricafrente Quirante, hepe ng Tagaytay City Police, na iimbestigahan din ng pulisya ang atrasadong pagdating ng mga bombero sa nasusunog na sasakyan, kaya naman na-trap at natusta ang anim nitong pasahero.
Sinabi ni Quirante na sisilipin ng mga imbestigador ang mga closed circuit television footage sa lugar at kakapanayamin ang mga testigo sa aksidente, upang matukoy ang pinagmulan ng sakuna.
Kinilala na ng pulisya ang apat sa mga nasawi na sina Rodalyn Octavo Bautista, 17, ng Medicion II, Imus City; Jamie Garcia Gubaton, 16, ng Barangay Putol, Kawit; John Paul Esperanza Tena, at John Russel Garcia, 15, kapwa residente ng Bgy. Buhay na Tubig, Imus.
Hindi pa rin batid ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawa pang teenager na lalaki na kabilang sa mga namatay.
Ayon sa pulisya, inabot ng mahigit 30 minuto bago nakaresponde ang fire truck sa lugar ng aksidente.
Ilang testigo ang nagsabing matulin ang takbo ng sasakyan bago ito sumalpok sa isang concrete barrier at sa isang puno, hanggang sa sumabog at nagliyab, dakong 2:00 ng umaga noong Linggo.
“Wala pang nakakaalam kung bakit sumabog ang sasakyan (Toyota Vios). Ito ang gusto naming malaman,” ayon kay Quirante.
Ipatatawag din ng pulisya ang mga tindero ng isang convenience store, na roon nanggaling ang anim na teenager bago ang aksidente, upang matukoy kung nasa impluwensiya ng alak o ilegal na droga ang mga biktima. (ANTHONY GIRON)