Puspusan na ang paghahanda ng mga miyembro ng Alliance of Boxing Association in the Philippines (ABAP) na naghahangad makatuntong sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa kanilang pagsabak sa natitirang apat na pinakahuling qualifying events bago isagawa ang quadrennial meet sa Agosto 5 -21.

Napag-alaman kay ABAP Executive Director Ed Picson na ang huling apat na torneo na may tsansang mag-qualify ang mga Filipino boxers ay ang Asia-Oceania, World Series of Boxing (WSB), AIBA Pro Boxing at ang AIBA Open Boxing.

Ipinaliwanag ni Picson na hindi pa kasama sa apat ang qualifying event para sa mga kababaihan sa gaganapin na AIBA Women’s World Boxing Championships 2016 .

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ang AOB Asia/Oceania Oympic Games Qualifier ay idaraos sa Marso 23 hanggang Abril 3 sa Qian’an, China kung saan paglalabanan ang men at women’s flyweight (48-51), lightweight (57-60), at middleweight (69-75).

Ang APB-WSB Olympic Qualifying Event 2016 para sa Elite Men ay gaganapin naman sa Mayo 13 hanggang 22 sa Sofia, Bulgaria kung saan asam nina Charly Suarez at Olympian Mark Anthony Barriga na eksklusibong inimbitahan sa torneo ang awtomatikong Olympic slots.

Pinagpipilian pa naman ng ABAP kung sino sa kanilang mga babaeng boxer ang ipapadala sa AIBA Women’s World Boxing Championships 2016 na gaganapin naman sa Mayo 19 hanggang 27 sa Astana, Kazakhstan.

Ang pinakahuling qualifying tournament ay ang AOB Final World Olympic Games Qualifier na para sa Elite Men na gaganapin sa Hunyo 7 hanggang 19 sa Baku, Azerbaijan.

Umaasa ang ABAP na magkakaroon ng mga boksingerong kakatawan sa bansa sa limang weight divisions na light flyweight (49 kg), flyweight (52kg), bantamweight (56kg), lightweight (60kg), lightwelterweight (64kg) at welterweight (69kg).

Tanging nakakasiguro ng puwesto sa delegasyon ang welterweight na si Eumir Marcial na nagawang makatuntong sa quarterfinals ng AIBA World Championships sa Doha noong Oktubre bagaman nabigong makasiguro ng medalya matapos mabigo kay Daniyar Yelevssinov ng Kazakhstan.

Pinagpipilian naman ang iba pang kandidato sa men’s divisions na sina light flyweight Rogen Ladon at Mark Anthony Barriga, flyweight Ian Clark Bautista at Rey Saludar, bantamweight Mario Fernandez at Mario Bautista, lightweight Charly Suarez at Junel Cantancio at light welterweights Dennis Galvan at Joel Bacho. (ANGIE OREDO)