SA kasaysayan ng ABS-CBN Film Productions, Inc. (Star Cinema), ang pelikulang A Second Chance nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo ang kasalukuyang may hawak ng record sa pinakamalaking kinita sa box office. Nakapagtala ito ng P566M, combined ang local at international.
Pero base sa ipinapakitang lakas pa rin ng The Beauty and The Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin, as of January 17, ay kumikita na ito ng P504M, local at international din.
Nalaman namin ang figures na ito mula kay Roxy Liquigan, head ng PR department ng Star Cinema sa thanksgiving party ni Vice Ganda para sa entertainment press.
(Editor’s note: In-update ito ni Roxy kahapon sa kanyang post sa Twitter: P510.3M na.)
Malaki ang posibilidad na maabutan ng Beauty and The Bestie ang kinita ng A Second Chance dahil may siyam na araw pa itong ipapalabas sa more than 100 theaters bago pumasok ang Everything About Her nina Gov. Vilma Santos at Angel Locsin.
At posibleng ma-extend pa rin ang Beauty and The Bestie kahit palabas na ang pelikula ni Ate Vi.
Dahil sa big success ng tambalang Coco at Vice, inamin ng aming source na may sequel ito pero sa 2017 pa dahil kailangang paghandaan daw mabuti ang magiging istorya.
Kaya si Daniel Padilla ang makakasama ni Vice sa entry ng Star Cinema at Viva Films sa Metro Manila Film Festival 2016 na si Direk Wenn Deramas ulit ang magdidirek.
Pero ngayon pa lang, may nabubuo nang ideya si Vice sa concept ang bagong gagawin nila ni Coco.
“Nu’ng nakita ko kasing nagtabi sa picture ‘yung naka-Paloma si Coco, naisip ko magandang gawan ng istorya na siya ‘yung undercover agent at ako ‘yung lider ng sindikato. O, di ba, maganda?” nakangiting sabi ni Vice.
Samantala, pinasalamatan ni Vice ang inimbita niyang entertainment press na kilala niyang personal sa hindi pag-iwan sa kanya sa gitna ng mga laban niya nitong nagdaang 2015.
“Nagpapasalamat po ako talaga sa inyo dahil nananatili po kayong nagbibigay ng suporta sa amin at nagpapatatag sa amin at nagtatanggol sa akin lalung-lalo na nu’ng mga panahong duguang-duguan ako. Maraming maraming salamat po.
“Hindi ko ho makakalimutan ‘yon. ‘Yung mga panahong sinamahan n’yo ho ako habang nakikipagdigmaan ako, maraming salamat talaga. ‘Yon po ang lalong nagpatamis ng ipinagdiriwang natin ngayon.
“Hindi ko ho makakalimutan ang mga mukha ninyo at sobrang sarap lang sa pakiramdam na sa mga pagkakataon na parang iiwanan ka na ng lahat ay nanatili ho kayong lahat. Maraming maraming salamat po.
“’Yon po talaga ang mahalaga sa akin, ‘yung natagpuan ko kung sino talaga ‘yung makakapitan ko sa mga pagkakataong ang dulas-dulas na, na parang dadausdos na talaga ako. Salamat ho sa inyong lahat. Thank you so much,” madamdaming pasasalamat ng TV host/actor.
Napag-usapan sa party na siya rin mismo ang sumisira sa sarili niyang box-office record sa MMFF.
“Sobrang saya lang kasi ang saya na ako rin ‘yung nakaka-break ng record, nagse-set ng bagong record, na kung tutuusin nakakatakot. Pero kung gumagawa ka kasi ng pelikula, hindi mo na maiisip ‘yan. Ang maiisip mo na lang, eh, ‘yung masiguro mo na maa-appreciate ng tao at ng mga makakapanood ‘yung produktong ginagawa ninyo.
“Kasi nu’ng ginagawa namin ni Coco, ng JaDine (James Reid at Nadine Lustre) at ni Direk Wenn (Deramas) ‘yan, hindi na namin naisip ‘yung record, eh. Ang naisip namin, kailangan maganda itong pelikula, kasi kung puro record lang, puro sales lang ang iisipin mo, hindi ka makakapag-concentrate do’n sa produksiyon. And at the end of the day, it’s still all about content,” ani Vice.
Sandaling napaisip si Vice nang tanungin kung package deal ba sila ni Direk Wenn, laging direktor ng mga pelikula niya.
“Baka kasi mahirapan ako sa ibang director, kasi sino bang direktor ang papayag sa ginagawa kong babaguhin ko ang mga ganap, pati dayalog, sobrang intrimitida ko, di ba? Parang si Direk Wenn lang ang makakaunawa sa mga ganu’ng arte ko.”
Siyempre, napag-usapan din ang pagbawi ng It’s Showtime sa ratings game na naungusan na uli ang katapat nilang programa.
“Ang bongga ng Showtime, nakakakilabot, ang bongga ng ‘Tawag ng Tanghalan’, ‘yung Trabahula segments. Kaya deserved na deserved ng staff na palakpakan natin sila at pasalamatan namin sila kasi ‘kita ko ‘yung mga panahong ngarag, hindi sila natutulog, kasi sumasama ako sa brainstorming, aalis na ako, pupunta na ako ng shooting, nandodoon pa rin sila. ‘Tapos dadaan ako pagkatapos, nandodoon pa rin sila, matatapos sila alas kuwatro o alas singko ‘tapos babalik sila ng studiong alas otso (ng umaga).
“Nu’ng nag-thanksgiving nu’ng isang araw, nakita ko ‘yung ngiti sa mga mukha nila. Ang sarap, sabi ko, hayan deserved n’yo ang mga ngiti na ‘yan. Kasi naghirap talaga sila,” nakangiting kuwento ni Vice.
Wala pang alam si Vice tungkol sa pagkawala ni Coleen Garcia sa show dahil wala naman daw nagsasabi sa kanya.
“Ang alam ko lang, kagagaling nila ng bakasyon sa Kenya at si Billy (Crawford) ay wala naman ding sinasabi nu’ng nagkita kami sa PGT (Pilipinas Got Talent) taping dahil ang parati niyang sinasabi ay affected siya sa pagkamatay ni Kuya Germs (German Moreno),” pahayag ni Vice.
Maapektuhan ba si Vice kung totoong wala na nga si Coleen?
“Oo naman, ang tagal naming nakasama si Coleen at saka sinuman ang mawala sa show, of course affected kami.”
(REGGEE BONOAN)