Pinayagan ng Sandiganbayan Fourth Division si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo na bumiyahe sa Japan at Hong Kong.

Sa isang resolusyon, pinagbigyan ng Fourth Division ang mosyon ni Arroyo na makabiyahe sa Tokyo, Japan mula Enero 30 hanggang Pebrero 5 at sa Hong Kong mula Pebrero 5 hanggang Pebrero 8.

Nahaharap si Arroyo sa kasong graft sa Fourth Division dahil sa naunsyaming $329 million national broadband network deal.

Samantala, nagbabala ang Fourth Division na “any violation of the terms and conditions contained in this resolution shall be sufficient ground for this Court to order the forfeiture of travel bond, as well as to cause the issuance of a warrant for his arrest.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi rin ng tribunal na “any material misrepresentation made in the accused’s Motion for Leave to Travel Abroad shall be punished as contempt of this Court and shall be dealt with accordingly.”

Kabilang sa mga kondisyon ang paalala sa kanya ng graft court na pinapayagan lamang siyang bumiyahe sa Japan at Hong Kong at kailangang niyang umalis nang hindi lalagpas sa Enero 30 at bumalik sa Pilipinas nang hindi lalagpas sa Pebrero 8.

Ituloy man niya o hindi ang kanyang biyahe, sinabi ng tribunal na kailangang humarap ni Arroyo sa clerk of court ng Division sa loob ng limang araw ng kanyang inaasahang pagbabalik.

Kapag hindi siya bumalik sa Pilipinas, ituturing ito ng korte na pagpapaubaya sa kanyang karaparatang humarap sa mga pagdinig sa kaso.

Nahaharap din si Arroyo sa kasong graft sa Fifth Division sa diumano’y mahigit P104 million overpriced sale ng second-hand helicopter na ipinasa bilang bago sa Philippine National Police (PNP).

Pinayagan din siyang bumiyahe ng Fifth Division. (JEFFREY DAMICOG)