Mga laro ngayon
San Juan Arena
12 p.m.- Perpetual Help vs EAC (jrs)
2 p.m.- Perpetual vs EAC (srs)
4 p.m.- San Sebastian vs St. Benilde (w)
Tatangkain ng San Sebastian College na maitala ang una sa huling dalawang panalo na kinakailangan upang ganap nilang mawalis ang season at maangkin ang kampeonato sa pagtutuos nila ngayong hapon ng College of St. Benilde sa women’s finale ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Sa pamumuno ni reigning MVP Grethcel Soltones, nagawang walisin ng Lady Stags ang lahat ng siyam na laban nila sa elimination round upang diretsong pumasok sa finals na may bitbit silang thrice-to-beat advantage o virtual na 1-0 lead sa best-of-five series.
Nagawa namang gapiin ng Lady Blazers sa dinaanang stepladder semis ang University of Perpetual Help at title-holder na Arellano University upang umusad sa kampeonato.
Ganap na 4:00 ng hapon ang pagtatapat ng dalawang koponan sa tampok na laban ng nakatakdang triple-header.
Target ng Lady Stags ang kanilang ika-25 women’s title sa liga at ika-23 para sa kanilang headcoach na si Roger Gorayeb habang puntirya naman ng Lady Blazers ang unang korona.
“Kailangan naming magtrabahong mabuti para manalo kasi equal footing na ngayon,” pahayag ni Gorayeb na kagagaling pa lamang sa pagwawagi ng grandslam sa V-League noong nakaraang taon.”Iba na situation kasi finals na. Sabik din sila manalo tulad namin.”
Ito ang ikatlong pagkakataon na maghaharap sa kampeonato ang Lady Stags at ang Lady Blazers matapos na matalo ng una ang huli sa unang dalawang pagkakataon noong 2008 at 2009.
Sa kalalakihan, ikalawang sunod na titulo naman ang hangad ng reigning titlist Emilio Aguinaldo College sa pagtutuos nila ng University of Perpetual Help ganap na 2:00 ng hapon.
Kapwa ipapalabas ng live sa ABS-CBN Sports at Action Channel 23 ang dalawang nabanggit na laro.
Samantala, mauuna rito ay maghaharap sa kampeonato ng juniors division ang defending champion Perpetual Help Junior Altas at EAC Brigadiers ganap na 12:00 ng tanghali. (Marivic Awitan)