Nagtala ng dalawang goals si Chester Gio Pabualan para pamunuan ang defending champion Far Eastern University-Diliman sa paggapi sa Ateneo de Manila, 6-0,sa pagtatapos ng first round ng UAAP juniors football tournament sa Moro Lorenzo Football Field.

Dahil sa panalo, nakatipon ang Baby Tamaraws ng kabuuang siyam na puntos para mangibabaw sa team standings.

Tubong Bukidnon, ang league leading scorer na si Pabualan na mayroon na ngayong tatlong goals ay sinimulan ang scoring ng laro sa pamamagitan ng unang goal sa 13th minute na kanyang sinundan bago matapos ang fulltime.

Bukod kay Pabualan, ang iba pang nakapagtala ng goal para sa FEU-Diliman ay sina Nikko Jay Caytor (46th), Orian Togores (64th), Christian Bacara (74th) at John Villaseñor (84th).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa isa pang laban,natapos naman sa scoreless draw ang tapatan ng De La Salle-Zobel at ng University of Santo Tomas.

Bagamat nag-draw, pumangalawa pa rin ang Junior Archers sa standings taglay ang apat na puntos kasunod ang Blue Eaglets na mayroong 3 puntos at panghuli naman ang Tiger Cubs na mayroon lamang 1-point.

Magsisimula bukas ang ikalawang round ng torneo sa Moro Lorenzo pitch sa Ateneo campus kung saan magtutunggali ang La Salle-Zobel at Ateneo ganap na 2:00 ng hapon kasunod ang sagupaan ng FEU-Diliman at UST ganap na 4:00 ng hapon.

(Marivic Awitan)