Sinabi ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na handa siyang itaya ang kanyang buhay upang mailantad ang katotohanan sa likod ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, na 44 na police commando ang napatay.

Nagsilbi bilang defense minister noong panahon ng batas militar, sinabi ni Enrile na hindi siya natatakot na itaya ang kanyang buhay upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng pamamaslang sa Mamasapano, na sana’y hindi, aniya, sinapit ang trahedya kung ginamit nang tama ni Pangulong Aquino ang kapangyarihan nito na nakasaad sa Konstitusyon.

“Gagawin ko ang tungkulin ko at ibibigay ko ang buhay ko. Patayin nila ako kung gusto nila, kung kaya nila. HIndi ko sinasabi na may nagplaplano (sa akin) pero ako ay desidido na mamatay para sa Bayan,” ayon sa 92-anyos na senador.

Aniya, nakadaupang-palad niya ang mga survivor ng Mamasapano massacre, kabilang si Supt. Raymond Train, noong siya ay todo-bantay ng pulisya sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa Camp Crame kaugnay ng kasong plunder na kanyang kinahaharap na may kaugnayan sa pork barrel fund scam.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ngayo’y pansamantalang nakalalaya matapos payagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa, hiniling ni Enrile sa Senado na muling buksan ang imbestigasyon sa madugong engkuwentro na sisimulan sa Enero 27.

Kabilang sa mga naimbitahan sa pagdinig sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., Defense Secretary Voltaire Gazmin, dating Local Government Secretary Mar Roxas, dating AFP chief Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., dating PNP chief Director General Alan LM Purisima, retired Deputy Director General Leonardo Espina, dating Criminal Investigation and Detection Group Director Benjamin Magalong, PNP Chief Director General Ricardo Marquez, dating SAF Chief Director Getulio Napeñas, at PNP Intelligence Chief Fernando Mendez Jr.

“Meron siyang (Pangulong Aquino) obligasyon, responsibilidad at pananagutan,” pahayag ni Enrile.

Aniya, ang kanyang hiling sa pagbuhay sa Mamasapano massacre case ay hindi bilang buwelta sa Pangulo kaugnay ng kasong kinahaharap niya na may kinalamang sa pork barrel scam.

Ipinagtataka ni Enrile kung bakit mas pinili ni Pangulong Aquino na iwan ang pamilya nito sa paggunita sa ika-82 kaarawan ng ina nito, ang yumaong si Pangulong Corazon C. Aquino, sa Maynila para magtungo sa Zamboanga City noong Enero 25, kasabay ng paglulunsad ng operasyon ng PNP-SAF laban sa mga teroristang sina Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan”; at Basit Usman sa Mamasapano. (CHARISSA M. LUCI)