Dalawang manlalaro na naging pangunahing stars ng kanilang koponan at isang legendary coach ang kumumpleto sa listahan ng mga pararangalan sa idaraos na UAAP-NCAA Press Corps and Smart Sports Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa EDSA.
Nakatakdang tumanggap ng parangal sina San Beda forward Art dela Cruz at University of Santo Tomas guard Ed Daquioag bilang mga Impact Players mula sa grupo ng mga mamahayag na nagku-cover ng collegiate beat habang pagkakalooban naman ang legendary coach na si Aric del Rosario ng Lifetime Achievement Award.
Pagkakalooban din ng kaukulang citation sina Arellano University guard Jiovanni Jalalon at La Salle skipper Jeron Teng sa nasabing event na suportado ng ACCEL Quantum-3XVI, Gatorade, UAAP Season 78 host University of the Philippines, NCAA Season 91 host Mapua, San Miguel Corporation at ng Philippine Sports Commission.
Tatanggap si Jalalon ng parangal bilang Accel Court General habang si Teng naman ay pagkakalooban ng Gatorade Energy Player award.
Sina Dela Cruz at Daquioag ay dalawa sa pinakamahuhusay na manlalaro sa nakaraaang collegiate season matapos nilang pamunuan ang San Beda at UST sa runner-up finishes sa kani-kanilang liga.
Mahahanay naman si Del Rosario sa dating San Beda high school mentor na si Ato Badolato bilang pagkilala sa kanyang naging mahahalagang kontribusyon bilang dating coach ng UST sa UAAP na nagawa niyang mapagkampeon sa loob ng apat na sunod na taon noong 1993-1996 at sa kanyang tatlong taong pagiging coach ng University of Perpetual Help sa NCAA.
Nangunguna sa listahan ng mga pararangalan sa taunang event sina FEU coach Nash Racela at dating Letran coach at ngayo’y bagong La Salle coach Aldin Ayo bilang Coach of the Year.
Kasama nilang tatanggap ng pagkilala ang mga nahirang para sa Collegiate Mythical Five na sina Ateneo team captain Kiefer Ravena, Mapua foreign center Allwell Oraeme, Far Eastern University forward Mac Belo, UST co-captain Kevin Ferrer at Perpetual Help guard Scottie Thompson.
Nakahanay din bilang mga awardees sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran (Pivotal Player) at sina San Beda guard Baser Amer, Letran guard Mark Cruz at FEU skipper Mike Tolomia (Super Senior).