Nakaalerto ngayon ang pulisya laban sa pagkalat ng ilegal na droga sa mga susunod na linggo dahil sa inaasahang paglakas ng bentahan nito ng mga sindikato upang makalikom ng milyun-milyong pisong pondo na wawaldasin sa magarbong selebrasyon ng Chinese New Year sa Pebrero 8.

Sinabi ni Chief Insp. Roque Merdegia, tagapagsalita ng Anti-Illegal Drugs Group (AIDG), na karaniwang tumataas ang bentahan ng ilegal na droga mula Disyembre hanggang Pebrero.

“Laging mataas ang demand sa illegal drugs tuwing Disyembre dahil maraming pera ang tao. Subalit mas lumalakas pa ito tuwing Enero at Pebrero,” ayon kay Merdegia.

“Ang rason ay Chinese New Year. Mayroon silang (sindikato) tradisyon na kailangang gumastos nang malaki upang pumasok ang suwerte,” ayon kay Merdegia.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Madalas aniyang umuuwi ang mga Chinese drug lord sa kanilang lugar sa China at Taiwan at doon nila ginagastos ang perang kinita sa pagbebenta ng droga.

Sinabi rin ng opisyal na ang ilegal na operasyon ng droga sa Pilipinas ay kadalasang kontrolado ng mga Chinese at Taiwanese, na bumubuo sa Southeast Asia drug ring.

Kamakailan, nakasamsam ang awtoridad ng 36 na kilo ng shabu mula sa isang shipment na galing sa China, sa pagsalakay sa isang bodega sa Valenzuela City, habang 36 kilo pa ang nakumpiska sa operasyon sa Quezon City. (Aaron Recuenco)