Maglulunsad ng sunud-sunod na “Black Friday” protest ang ilang sektor ng lipunan, kabilang ang mga senior citizen, kasunod ng pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang P2,000 across-the-board increase sa buwanang pensiyon ng Social Security System (SSS).
Isasagawa ang malawakang kilos-protesta sa harap ng mga tanggapan ng SSS sa buong bansa.
Paliwanag ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares, magsusuot din sila ng itim tuwing Biyernes bilang pagtutol sa pag-veto ng Pangulo sa naturang mungkahi.
Magpapatawag muna ng malaking pulong ang kongresista sa Huwebes, Enero 21, dakong 10:00 ng umaga na inaasahang dadaluhan ng mga senior citizen na apektado ng naunsiyaming P2,000 pension hike.
“Ang hinihingi ko sa senior citizens sa buong bansa: Puntahan, kausapin, tawagan, sulatan ang mga district congressmen nila at makiusap na bumoto doon sa override,” anang kongresista.
Matatandaang umani ng batikos sa social media si Pangulong Aquino matapos niyang ibasura ang panukala sa SSS pension hike. (Rommel P. Tabbad)