DAHIL sa pag-veto ni Pangulong Noynoy Aquino sa panukalang P2,000 SSS pension increase, may 2.15-milyong pensioner ang dismayado. At dahil dismayado, siguradong hindi iboboto ang “manok” niya. Bunsod ng desisyong ito ng solterong Pangulo, para na rin niyang itinapon sa kangkungan ng pagkatalo si ex-DILG Sec. Mar Roxas, na garantisadong hindi iboboto ng mga retirado at mga kaanak ng mga ito 2016 presidential election.

Katwiran ni PNoy sa pag-veto sa panukalang aprubado ng Kongreso, manganganib umano ang katatagan at existence ng Social Security System kapag isinabatas ang SSS pension increase. Matutuyo raw ang pananalapi ng SSS pagsapit ng 2029.

Sa kanyang veto message kina Senate Pres. Franklin Drilon at Speaker Feliciano Belmonte Jr., sinabi niya na bagamat ang House Bill 5842 na naglalayong itaas (across-the-board) ang buwanang pensiyon ay magdudulot ng ginhawa sa mahigit dalawang milyong retirado, malalagay naman sa alanganin ang may 31 milyong kasapi ng SSS dahil nga sa pagkaubos ng pera nito. Hindi raw kayang suportahan ng kanyang administrasyon ang panukalang increase dahil sa malubhang krisis-pananalapi na daranasin ng ahensiya.

Layunin ng House Bill 5842 na susugan ang Section 12 ng RA 16610 o ang Social Security System Act of 1997. Kapag ibinigay daw ang P2,000 SSS pension increase, magdudulot ito ng negatibong income sa SSS. Kung ganyan ang katwiran ni PNoy at ng kanyang mga fiscal adviser, huwag sisihin ang mga retirado at mga kaanak at maging ang taumbayan na hindi boboto sa kanyang “anointed one” sa halalan sa Mayo. Sisihin niya si Batman!

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

***

Naka-heightened alert ngayon ang Armed Forces of the Philippines bunsod ng pag-atake ng mga terorista sa Jakarta, Indonesia kamakailan. Ang mga terorista na nagpasabog sa Starbucks sa Jakarta ay pinaniniwalaang mga miyembro ng ISIS. Sa advisory ng AFP, sa pamamagitan ni Spokesman Col. Restituto Padilla, kailangang maging alerto ang lahat laban sa Islamic State fighters na posibleng nakikipag-alyado sa local terrorist groups, gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf.

***

Inulit ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang babalang pagdedeklara ng revolutionary government kapag hindi tinanggal ng Kongreso ang bilyun-bilyong pisong pork barrel ng mga senador at kongresista. Hindi rin daw siya mangingiming buwagin ang Kongreso at magdeklara ng martial law kapag tumanggi ang mga senador at kongresista na makiisa, kapag nahalal siyang pangulo.

Iyan, Mayor Digong, ang gawin mo at hindi ‘yung basta pagpapapatayin mo ang mga pinaghihinalaang kriminal nang walang kaukulang proseso sa bansang demokratiko. (BERT DE GUZMAN)