INIHAYAG na at binigyan ng gantimpala ang mga bayan sa Rizal na nagwagi sa inilunsad na Inter-Town Recycled Christmas Tree Contest 2015 at Inter-Town Hall Recycled Decoration Contest 2015. Ang dalawang patimpalak ay bahagi ng programa ng Ynares Eco System (YES) to Green Program, flagship project ni Rizal Governor Rebecca Nini Ynares na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal. Isinagawa ang pagkakaloob ng gantimpala kasabay ng pagdaraos ng “Rizaleño, YES sa Luntiang Pasko” awarding ceremony nitong Enero 15 sa harap ng kapitolyo sa Antipolo City.
Pinangunahan nina Rizal Gov. Nini Ynares at Vice Gov. Frisco Popoy San Juan, Jr. ang pagkakaloob ng mga garbage truck sa mga nagwagi bilang kanilang gantimpala.
Si Gng. Mitos D. Trias, Provincial Planning and Development Coordinator, ang namuno sa pananalangin.
Ang mga nagwagi sa Inter-Town Recycled Contest 2015 ay ang Tanay, Pililla at San Mateo. Ang gantimpala ay tinanggap nina Tanay Mayor Lito Tanjuatco, Pililla Mayor Leandro Masikip at San Mateo Rafael Diaz. Ang mga nagwagi naman sa Inter-Town Town Hall Decoration Contest 2015 ay ang Teresa, Jalajala at Montalban. Ang mga garbage truck ay tinanggap nina Teresa Mayor Raul Palino, Jalajala Mayor Narcing Villaran at Montalban Mayor Ilyong Hernandez.
Bukod sa mga nagwagi sa dalawang patimpalak ay pinagkalooban din ng motorcycle patrol ang 45 barangay sa iba’t ibang bayan sa Rizal na nakasunod sa Solid Waste Management Program at Barangay Material Recovery Facilities (MRP/MRS).
Ang Tanay ang nanguna sa pagsunod sa MRP at MRS. Nasa 13 barangay ang nabigyan ng motorcycle patrol. Pumangalawa ang Cardona na may 10 barangay at pangatlo ang Teresa na may pitong barangay na nakasunod sa MRP/MRS.
Ang Antipolo, na Hall of Famer na sa pangangalaga sa kapaligiran, ay pinagkalooban ng pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal. Ang Cerificate of Recognition ay tinanggap ni Antipolo City Mayor Jun Ynares.
(CLEMEN BAUTISTA)