KATATAPOS lang ng taon at may pakulo ang Department of Science and Technology o DoST. Ayon kay DoST Secretary Mario Montejo, masasaksihan umano ng mga Pinoy ang unang satellite na ilulunsad sa Abril.

Ipinagyayabang ito ng kagawaran, habang sa North Korea ay tinesting na ang isang umano’y nuclear bomb. Milya-milya na ang layo sa atin ng ating mga kalapit-bansa ay nagagawa pa nating magyabang.

Sinabi pa ni Montejo, na ang paglulunsad ay itinakda pagkatapos nilang matiyak ang mga arrangement sa American provider ng space shuttle service, na roon ilulunsad ang “micro satellite”.

Ilang piling scientist mula sa DoST ang nasa Japan ngayon para makipag-corroborate sa mga space scientist mula sa Hokkaido University, sa pagbuo ng micro satellite.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ito umano ay magagamit para makapag-generate ng mga datos at mga inpormasyon sa agrikultura, marine at mountain condition. Maganda nga sana. Pero kung ang kondisyong agrikultura lang ang kailangan, bakit hindi na lang sumangguni kay Agriculture Sec. Proceso Alcala?

Hindi ba nang maitalaga ni PNoy si Alcala sa Agriculture ay agad na niyang ipinangalandakan na sa susunod na taon ng kanyang panunungkulan ay hindi na tayo aangkat ng bigas sa ibang bansa, bagkus ay magluluwas pa tayo? Na sasagana ang ating ani? Ano’ng nangyari?! Mula noon, hanggang ngayon ay panay na panay ang angkat natin. Hindi ba sinabing ang mga gulay ay magmumura dahil daragsa ang mga ani? Ano’ng nangyari?! Naging daan-daan ang presyo ng kada kilo ng sibuyas, bawang at luya.

Kaya kung para sa agrikultura, kalimutan na natin ang satellite. Ang pangako lang ni Alcala ay sapat na, baligtarin lamang natin ang resulta, nito.

At saka bakit uunahin natin ang satellite? Bakit hindi natin unahin ang MRT at LRT na maya’t maya ay nagkakaroon ng sira sa kaperhuwisyuhan ng mamamayan? Bakit kung anu-anong pakulo ang inuuna natin? Para lang ba malimutan ng ating mamamayan ang kabiguan ng gobyernong ito? (ROD SALNDANAN)