KAHIT pagod dahil kagagaling lang sa paghahatid kay Kuya Germs sa huling hantungan ay naglibot pa rin si Vice Mayor Isko Moreno sa kaliwa’t kanang entablado habang ipinagdiriwang ang kapistahan ng Sto. Niño de Tondo.

Kuwento ng tumatakbong senador nang makausap namin bago umakyat sa isa sa mga entablado na malapit sa bahay naming, kahit papaano raw ay gumaan ang loob niya dahil naihatid niya ang huling mensahe niya para sa namayapang tatay-tatayan niya sa showbiz.

Maganda ang naging feedback sa eulogy niya para sa Master Showman. Aminado ang bise alkalde na malaki ang naitulong ni Kuya Germs kaya natupad ang pangarap niyang maging artista at public servant.

Marami ring kababayan natin, lalung-lalo na ang constituents ni VM Isko dito sa Tondo ang napangiti niya at naantig ang damdamin sa pagsisilbing inspirasyon niya sa mga ito nang mapanood nila ang tribute ni Isko kay Kuya Germs.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Sana nga kahit papaano, eh, nakapulot sila ng mga ideya at aral. Totoo rin naman kasi na natuto akong mag-impok ng pera sa bangko at gumamit ng libreta ng bangko dahil kay Kuya Germs. Kumbaga, siya talaga ang nagturo sa akin at sinamahan pa niya akong magbukas ng account sa bangko,” kuwento pa rin ni Isko.

Binanggit din ni Isko sa amin na kahit semi-retired na siya sa showbiz dahil sa mga gawain niya bilang bise alkalde ng Maynila at presidente ng samahan ng mga bise alkalde sa buong Pilipinas ay humihingi pa rin siya ng payo kay Kuya Germs noong nabubuhay pa ito.

Nang sumampa na sa entablado para sa isang singing contest nang gabing iyon ay nai-share rin ni VM Isko sa mga taong nagpalakpakan kung paano siya nag-audition sa That’s Entertainment ni German Moreno.

“Kagaya rin ng mga contestants dito, may interbyu portion muna si Kuya Germs sa akin. Tinanong niya ako kung marunong ba raw akong kumanta o sumayaw. Sabi ko, hindi dahil hindi naman talaga ako marunong noon.

“Tinanong rin niya ako kung marunong akong umarte. Kahit hindi ako marunong noon, eh, sinabi ko lang na marunong ako. Kasi ‘pag sinagot kong hindi, eh, baka pauwiin na lang niya ako,” napatawa pang kuwento ni Vice isko.

Pinaarte raw siya ni German na nagawa naman niya. Hindi niya inasahan na mapipili siya mula sa mahigit 300 nag-audition nang araw na ‘yun para maging miyembro ng That’s Entertainment.

“Sa totoo lang din naman kung wala ‘yung ‘binigay na opportunity sa akin ni Kuya Germs, eh, walang Isko Moreno ngayon. Malamang basurero pa rin ako. At baka kung ano na ang buhay ko ngayon,” kuwento pa ni Isko. (Jimi Escala)