Tamang timpla ng balanseng opensa at magandang depensa ang ginamit ng host team na Detroit Pistons upang gulatin ang naghaharing NBA champion na Golden State Warriors, 113-95, at ipalasap sa kanila ang ikaapat na pagkatalo noong Sabado.

Stephen Curry
Stephen Curry

Bago ang laro ay sumentro ang usapin sa kung paano malilimitahan ng Pistons ang mainit na si Warriors star Stephen Curry subalit hindi binigo nina Kentavious Caldwell-Pope at Reggie Jackson ang koponan sa itinala ng dalawang guwardiya na tig-20 puntos.

Mistula namang ginanahan ang Pistons sa second half ng laban dahil binigyang-papuri at opisyal nang iniretiro ang jersey number ni four-time Defensive Player of the Year Ben Wallace sa halftime, lamang ang Detroit, 65-49.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Where I came from and some of the trial and tribulations I went through, I wouldn’t change it for the world,” ani Wallace na iginiya ang Pistons sa kampeonato noong 2004. “Y’all motivated me on nights when I didn’t have anything left.”

Dahil sa sikip ng depensa ng Pistons, nagtala lamang ng 36.2 field goal (FG) percentage at napuwersa pa ang Warriors na gumawa ng 13 turnovers kumpara sa 46.5 FG percentage at 11 turnovers lamang ng Detroit.

Napituhan rin ng technical foul sina Curry at Draymond Green bago matapos ang ikalawang yugto ng laban, pati na ang kanilang interim coach na si Luke Walton na na-technical sa fourth quarter.

Bukod kina Caldwell-Pope at Jackson, tumapos din na may double digit sina Marcus Morris (16 points), Andre Drummond (14), Aron Baynes (12), at Ersan Ilyasova (10) para sa Pistons.

Nagbuhos naman ang ‘Splash Brothers’ na sina Curry at Klay Thompson ng 38 at 24 marka, ayon sa pagkakasunod, para sa Warriors subalit sadyang mailap ang panalo dahil sa kapos na tulong na kanilang natanggap.

Dahil sa panalo, bahagyang gumanda ang record ng Pistons sa tangan nitong 22-18 (panalo-talo) habang lumagpak sa 37-4 ang Warriors.

Samantala sa iba pang laro, kabadong ipinasok ni forward Jae Crowder ang bola sa isang break-away lay-up para tulungang itakas ng dumadayong Boston Celtics ang panalo kontra Washington Wizards, 119-117.

May 3.9 segundo na lamang ang nalalabi at tabla ang dalawa, isang pasa ang natanggap ni Crowder mula sa kakamping si Marcus Smart at nagulat pa siya nang walang humarang sa kanyang defender kaya naman agad niyang ini-lay up ang bola para ibigay sa Celtics ang kalamangan.

Sa pagtatangka ni Wizards guard John Wall na makatabla, halos dinuplika niya ang ginawa ni Crowder subalit para sa Celtics talaga ang panalo dahil iniluwa ng ring ang bola kasabay ng pagtunog ng final buzzer.

Wagi rin ang Milwaukee Bucks sa Charlotte Hornets, 105-92; Atlanta Hawks sa Brooklyn Nets, 114-86; Philadelphia 76ers sa Portland Trail Blazers, 114-89; Memphis Grizzlies sa New York Knicks, 103-95; Utah Jazz sa Los Angeles Lakers, 109-82; at Sacramento Kings sa Los Angeles Clippers, 110-103. - Martin A. Sadongdong