Pinaghahanap ngayon ng awtoridad ang consignee at broker ng 12 milling machine na roon itinago ang P180-milyon shabu bago ipinuslit sa bansa at inimbak sa isang bodega sa Valenzuela City.

Matatandaan na dalawang Filipino-Chinese ang naaresto nang salakayin ng pulisya ang bodega sa Valenzuela City, na roon ay P180 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng raiding team.

Sinabi ni Deputy Commissioner for Enforcement Ariel Nepomuceno na handa silang kasuhan ang mga personalidad na nasa likod ng pag-aangkat ng mga milling machine na dumating sa Port of Manila noong Enero 9 bago natuklasan ang malaking bulto ng shabu sa mga naturang makina.

Kinilala ng Customs Enforcement Group ang consignee na Joneslaz Trading, habang ang broker ay si Ferdinand Salcedo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We will file criminal charges against the consignee and broker for the clear violation of the TCCP (Tariff and Customs Code of the Philippines) because this is a case of smuggling of contraband,” ani Nepomuceno.

Aniya, kinumpiska ng Bureau of Customs ang mga milling machine dahil nagamit ang mga ito sa pagpupuslit ng shabu at gagamitin ang mga ito bilang ebidensiya sa paghahain ng kaso laban sa nag-aangkat ng mga makina.

Pinabulaanan din ng mga opisyal ng BoC na natutulog sila sa pansitan, kaya nalusutan sila ng shipment ng shabu bago ito nailipat sa isang bodega sa Valenzuela City. - Raymund F. Antonio