MAAARING nababawasan na ang impluwensiya ng Islamic State sa mga teritoryo nito sa Iraq at Syria ngunit batay sa nakita ng mundo sa pag-atake sa Indonesia kamakailan, hinihimok ng mga jihadist ang iba pang grupo upang mapailalim sa kanila. Ito ang opinyon ng mga analyst.
Sa maraming kaso, ang mga grupong ito ay walang direktang kaugnayan sa ipinagmamalaking caliphate ng liderato ng IS, ngunit maligaya ang grupo na akuin ang responsibilidad sa pagdanak ng dugo sa kanilang ngalan, ayon sa mga eksperto.
“From the start, Islamic State has vowed to take its fight globally, but until recently it has been focused on managing its caliphate in Iraq and Syria,” sabi ni Michael Kugelman, ng Woodrow Wilson Center sa Washington.
Ngayong isa-isa nang nababawi ng militar sa Iraq ang ilan sa mga teritoryo na kinubkob ng grupo, ang IS “has re-dedicated attention to focusing on a more global approach”, ayon kay Kugelman.
“The big question, after the Jakarta attacks and all of these attacks around the world in recent months that have been claimed by ISIS is—are these militants only inspired by ISIS or have they been directly managed by ISIS?” aniya, ginamit ang isa pang tawag sa grupo.
Gaya ng iba pang mga ekspertong kinapanayam ng Agencé France Presse, naniniwala si Kugelman na kuntento na ngayon ang IS na maangkin ang credit sa mga pag-atake, gamit ang “brand recognition” ng pangalan nito na kumalat na sa iba’t ibang panig ng mundo, sa isang banda ay dahil sa social media, nang hindi gumagastos o nagha-hire ng mga tao para gawin silang popular.
“What you have here are disillusioned, alienated militants, who have been fighting with a different organisation, who are interested in identifying themselves with a more dynamic cause. And they see ISIS as a very dynamic cause—they are in the media all the time and commit spectacularly brutal attacks.”
Dahil dito, sa nakalipas na mga buwan ay lumantad sa publiko ang mga grupong terorista mula sa Afghanistan at Pakistan, inaako ang mga pag-atake o kaya naman ay nagpapakalat ng litrato sa Internet gamit ang itim na watawat ng IS.
“There are breakaway local militant groups seeking a new identity who are joining IS,” pahayag ni Hasan Askari, isang analyst mula sa Pakistan.
“The IS ideology already exists in Pakistan, it is an extreme Salafi tradition and people are now following them for a new identity, (even though) they might not have direct links with the real IS leadership,” aniya.
Tiniyak niya na walang ebidensiya na magsasabing bumisita na ang pamunuan ng IS sa mga grupong ito sa Pakistan at Afghanistan, na parehong balwarte ng Al-Qaeda.
Iniuugnay—kung hindi man sadyang nagpapaugnay—din sa Islamic State ang mga grupong Katibah Nusantara sa Indonesia at Boko Haram sa Nigeria.
Una nang inihayag ng IS na nakipag-alyansa rito ang mga grupong terorista sa Algeria, Nigeria, Libya, Egypt, Saudi Arabia, Yemen, Afghanistan, at Pakistan, at ipinag-utos—kung hindi man naimpluwensiyahan—ang mga pag-atake sa 17 bansa, na ikinasawi ng nasa 1,000 katao. - Agencé France Presse