NAGDESISYON ang Korte Suprema sa isang usapin ng legalidad nang katigan nito ang Enhanced Defense Cooperation Ageement (EDCA) ng Pilipinas at ng Amerika na nilagdaan noong 2014. Nagpasya ang korte na ang EDCA ay isang ehekutibong kasunduan at hindi isang tratado na kailangang aprubahan sa pamamagitan ng two-thirds ng mga boto sa Senado.
Alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas, ang mga sundalo at pasilidad ng ibang bansa “shall not be allowed in the Philippines except under a treaty duly concurred in by the Senate.” Iginiit ng Korte Suprema na ang presensiya ng mga dayuhang tropa sa Pilipinas ay pinahihintulutan ng Mutual Defense Treaty (MDT), na niratipikahan ng Senado. Ang EDCA ay isa lamang pagpapatupad sa MDT. Pinahihintulutan ng EDCA ang Amerika na magtayo ng mga pasilidad sa mga base-militar sa Pilipinas para imbakan ng petrolyo at kagamitan na gagamitin sa pinagsanib na military at humanitarian operations.
Ang usaping idinulog sa Korte Suprema ay tungkol sa legalidad—kung ang EDCA ba ay isang tratado na kinakailangan pang aprubahan ng Senado. Gayunman, sa gitna ng kabi-kabilang pagtutol na ito sa EDCA, ay ang paniniwala ng mga nagpetisyon na ang EDCA—at ang nauna rito na VFA—ay isang paglabag sa pambansang soberanya at sa integridad ng teritoryo, gayundin sa pagbabawal ng batas sa mga nukleyar na armas.
Ang kaso ng EDCA sa Korte Suprema ay ang huling kabanata sa matagal nang kontrahan sa pagitan ng mga Pilipino na naghahangad ng isang bansang tunay na malaya at mga Pilipino na nakauunawa sa mga limitasyon ng bansa at tanggap ang katotohanang kailangan nating magpasaklolo sa bansang dating sumakop sa atin, ang United States.
Nagkakasundo sa iisang opinyon ang mga raliyistang kontra Amerika at ang mga abogado na kumukuwestiyon sa legalidad ng EDCA. Nasa kabilang panig naman ang marami sa ating mga halal na opisyal, gayundin ang maraming ordinaryong Pilipino, sa paniniwalang hindi handa at walang kakayahan ang bansa na ipagtanggol ang ating sarili kaya kailangan natin ang proteksiyong maipagkakaloob ng Amerika. Kapwa makabayan ang magkasalungat na opinyon—gaya nang isinakatuparan nina Bonifacio at Rizal ang magkaibang paraan ng pagmamalasakit sa bayan noong kanilang panahon.
Sa pagkakaiba ng mga paninindigan at ideyang ito para sa interes ng bansa, bigyang-diin naman natin ang pagkakasangkot ng Pilipinas sa alitan sa ating dambuhalang kapit-bansa sa hilaga-kanluran—ang China—na nakikipag-agawan sa atin sa maliliit na isla sa malaking bahagi ng South China Sea, na nais nating tawagin na West Philippine Sea. Para sa maraming Pilipino, kabilang ang sarili nating mga opisyal, hindi kaya ng Pilipinas na manindigang mag-isa sa alitang ito; kailangan nito—kaya naman nagpapasaklolo—ang Amerika.
Anuman ang kahihinatnan, umasa tayo na isang araw ay maging tunay na malaya na tayo at magkaroon ng kakayahan na ipaglaban ang ating mga karapatan at ipagtanggol ang ating bayan. Sa pagkakataong ito, hindi na natin kakailanganin ang Amerika o ang alinmang bansa upang makihati sa ating mga base-militar. Hindi na natin kakailanganin ang EDCA o ang VFA o ang MDT. Ngunit hanggang malayo pa sa katotohanan ang inaasam nating ito, kailangan nating pagtiisan ang ganitong sitwasyon, kahit pa nakakababang-uri ito para sa ilan.