ISA sa mga nadismaya sa pag-veto ni Pangulong Noynoy sa P2,000 pension hike bill ay si Congressman Sherwin Gatchalian. Isa siya sa mga lumagda sa panukalang ito upang makapasa sa Kongreso. Nangako siyang gagawa ng paraan upang tuluyan itong maging batas sa kabila ng naging desisyon ng Pangulo. Masyado kasing makiling ang Kongresista sa kapakanan ng mga senior citizen. Makikita naman ito sa kanyang mga ginawa sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde at kongresista ng Valenzuela. Napakinabangan umano ng mga bata ang mga sakripsiyo at paghihirap ng mga senior citizen, kaya dapat lamang umano itong ipagkaloob sa kanila bilang sukli sa kanilang mga naiambag para sa bansa lalo na ngayong pagal na ang kanilang mga katawan.

Ito sana ang sumagi sa isip ng Pangulo nang nasa harap na niya ang panukalang batas para lagdaan at hindi iyong ikalulugi ng Social Security System (SSS). Kapag itinuloy umano ang P2,000 pension hike sa bawat retiree, na ngayo’y umaabot sa dalawang milyon, papalo sa P56 bilyon ang gagastusin ng gobyerno kada taon. Malulugi ng P16 hanggang P26 bilyon ang gobyerno taun-taon dahil ang kinikita ng SSS ay P30 hanggang P40 bilyon lamang bawat taon. Mapipilitan daw ang SSS na gamitin ang Investment Reserve Fund (IRF) nito upang masuportahan ang panukalang pension increase.

Masasaid, aniya, ang IRF pagsapit ng 2029.

Ang problema sa Pangulo ay nililimitahan lamang niya ang kanyang sarili sa magiging katayuang pananalapi ng SSS.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mayaman ang bansa at maraming pagkukunan ng salapi para sa ikabubuti ng mamamayan. Kung sa 2029 pa mauubos ang IRF, napakahaba pa ng panahon para makapagplano ang gobyerno hindi lamang para maawat ang pagkaubos ng IRF, kundi para maparami pa ito. Nasa gobyerno ang lahat ng kapangyarihan para gawin ito na dapat lang kung totoo ang pagtaya ng Pangulo sa magiging kalagayan ng pananalapi ng SSS. Kahit nga labag sa Saligang Batas, sa ngalan ng pagpapabilis ng paggawa ng proyekto at kaunlaran ng ekonomiya, naimbento ng Pangulo ang Development Acceleration Fund (DAF). Bukod dito, magtatapos na ang termino ng Pangulo at may mga hahalili na sa kanya. Bakit hindi na lang nilagdaan ng Pangulo ang pension hike bill at hinayaan na ang mga susunod sa kanya na lumutas ng sinasabi niyang magiging problema ng SSS? Baka sa panahong ito ay makapili ang mamamayan tulad ni Gatchalian na mas malawak ang kaisipan at nasa puso ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na iyong mga nangangailangan. Ang gobyerno ay itinatag para sa tao at hindi nabubuhay ang tao para sa gobyerno. Ganito pinatakbo ng mga Gatchalian ang Valenzuela. (RIC VALMONTE)