Ni Angie Oredo
Agad na masasabak ngayong 10:00 ng umaga ang apat na Filipino netters sa pagsisimula ng unang round ng main draw sa men’s singles ng ATP Challenger Tour Philippine Open sa bagong gawang Rizal Memorial Tennis Center.
Unang sasalang ang pinakabatang manlalaro ng Pilipinas, ang 16-anyos na si Alfred Lim Jr. na sariwa pa sa paglalaro sa Australian Open at makakatapat nito ang 33-anyos na si David Guez mula sa France.
Kasunod naman niyang lalaban ang 30-anyos na si Ruben Gonzales kontra sa 28-anyos na si Igor Sijsling ng Netherlands.
Makakatapat naman ng kasalukuyang No.1 netter ng Pilipinas at dating World Juniors No. 9 na si Jeson Patrombon ang 21-anyos na si Kimmer Coppejans mula sa Belgium.
Huling sasagupa ang 23-anyos na si Francis Casey Alcantara na makakatapat sa una nitong laban ang 29-anyos na si Amir Weintraub ng Israel.
Habang isinusulat ito ay nakatakda pang sumagupa ang 16-anyos na Filipino-Spaniard na si Diego Garcia Dalisay ganap na 1:30 ng kahapon kontra kay Nikola Mectic ng Croatia para sa tsansang makapasok sa main draw ng torneo na nakataya ang kabuuang US$75,000 premyo at ang mga importanteng puntos sa ATP.
Nauna nang nabigo ang apat sa limang Pinoy netters sa first round ng qualifying tournament nang mag-isang umabante sa ikalawang round si Dalisay makaraang mangabigo nina Fritz Chris Verdad, Patrick John Tierro, Leander Lazaro at Fil-Am Mico Santiago.
Nakatuntong naman sa main draw si Gonzales matapos palitan ang 17-anyos na Amerikanong star na si Frances Tiafoe, na umabante sa qualifying rounds ng 104th Australian Open 2016.