Inulan ng batikos si Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang pagbasura sa panukalang dagdag na pension sa Social Security System (SSS) ngunit pinanindigan niyang iniwasan lamang niyang bumagsak ang ahensiya.
Nagsalita sa mga mamamahayag sa pagbisita niya sa lalawigan ng Bulacan noong Biyernes, nagbabala ang Pangulo sa napipintong pagkabangkarote ng SSS kung inaprubahan niya ang dagdag na P2,000 sa buwanang pension.
“So ‘heartless’ ako ngayon. Kung 2027 nabangkarote ‘yan, ‘yung 30 million or more—by that time siyempre more than 30 million—ang magsasabi naman careless ako and heartless at the same time,” depensa ni PNoy.
“Hindi kapritso ‘to. Pinag-aralan at ibabangkarote mo ‘yung SSS ‘pag pinasukan ‘to by 2027. At siguro maski sinong mamamahala ng gobyerno, importante na may commitment and estado, in this case the SSS, na agency ng gobyerno na ibigay sa iyo ‘yung benepisyong pinangako sa iyo,” dagdag niya.
Inamin ni Aquino na maaari siyang magpabago sa tao at ipasa ang panukalang batas ngunit bilang ama ng bansa, kailangan niyang isaalang-alang ang pangmatagalang katatagan ng SSS.
“Pwede akong magpapogi, tulungan ‘yung endorsement ko sa lahat, at tutal naman 2027 baka nakalimutan na ako doon e hindi na ako masisi. Sisisihin na lang ang kung sino man ang namamahala sa atin doon,” sabi ng Pangulo.
“Pero tama ba ‘yon na dadalhin ko ang taumbayan sa direksyon na magiging kapahamakan nila?,” dagdag niya.
(GENALYN KABILING)