PINAGKAGULUHAN si John Lloyd Cruz nang dumating sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso sa kuwestiyonableng disqualification ng pelikula niyang Honor Thy Father.
(Salamat sa aming kaibigang si Quezon City Councilor Precious Hipolito-Castelo, asawa ng namumuno ng imbestigasyon na si Cong. Winston Castelo, nakapasok kami na walang kahirap-hirap, huh!)
Sa naturang imbestigasyon, binanggit ni John Lloyd na hindi sila naghahabol ng award kundi gusto lamang nilang malinawan sa mga pangyayari. Pero iginiit din niya sa interbyu pagkatapos ng session na kung hindi sila na-disqualify ay sila na ang winner.
“We don’t know that. Wala namang nakakaalam nu’n, eh. Pero ang alam ko lang, dahil sa disqualification natanggalan kami ng opportunity, ng pagkakataon para malaman kung paano mag-perform ‘yung aming pelikula sa kung anumang panlasa ng mga hurado,” sabi ni Lloydie.
Ikinatwiran ng executive committee ng MMFF na na-disqualify Honor Thy Father dahil naipalabas na ito sa opening movie ng Cinema One Originals Film Festival na ginanap last November.
Paliwanag ni John Lloyd, isang beses lang silang nag-screening sa Cinema One Original at walang naganap na pagbebenta ng tiket na taliwas sa pagkakaalam ng mga taga-MMFF.
Binanggit din ng actor na napapanahon na para simulan ang pagsasaayos sa sistema na lubhang kinailangan para sa pag-angat ng pelikulang Pilipino.
“Kasi sa totoo lang kung walang gagawa nito sino pa ba ang gagawa, di ba? Tayu-tayo rin naman ang magtutulungan,” katwiran pa ng Kapamilya actor na isa rin sa co-producers ng Honor Thy Father.
Hindi nagawang tapusin ng actor ang hearing dahil kailangan niyang pumunta agad sa presscon ng bago niyang pelikulang Hele ng Hiwaga sa Hapis na kasama naman niya si Piolo Pascual.
Very proud si John Lloyd na kahit papaano ay nagkakaroon na ng katuparan ang mga plano niya na maging parte ng magagandang pelikula na magbibigay ng karangalan sa ating bansa.
“Ang ganda kasi unti-unti ang ginaawa natin nagkakaroon ng linaw. Una sa Honor Thy Father, ‘tapos good news nga dito sa Hele ng Hiwaga sa Hapis, sobrang ganda ang reviews nila,” sey pa niya.
Naniniwala rin si John Lloyd na hindi mauuwi sa wala ang laban nila na para sa kanya ay simula lang daw ito ng marami pang dapat na pagtulungan para sa kaayusan ng sistema.
“It’s about time na gawin nating totoong festival ang Metro Manila Film Festival. Hindi siya parang venue para lang pagkakitaan. Ibalik natin ang panahon noon, na ang ipinapalabas natin ‘yong mga importanteng pelikula,” lahad pa ni Mr. John Lloyd Cruz. (JIMI ESCALA)