NANGANGAMBA ang gobyerno ng Pilipinas na himukin ng mga jihadist ng Islamic State ang mga Pilipinong manggagawa sa Gitnang Silangan na maging kasapi nito, ilang araw makaraang atakehin ng mga militanteng nauugnay sa grupo ang kabisera ng Indonesia na Jakarta.
Kausap ang mga mamamahayag, sinabi ni Pangulong Aquino na hihilingin ng intelligence authorities ng bansa sa mga counterpart nito sa Gitnang Silangan na tugaygayan ang posibilidad na hikayating sumapi sa teroristang grupo ang komunidad ng mga Pilipino sa rehiyon. Sa ngayon, aabot sa dalawang milyon ang mga Pilipino sa Gitnang Silangan.
Nilinaw ng Pangulo na walang “credible threat” ng pag-atake ng IS sa Pilipinas, kasunod ng pambobomba at pamamaril sa Jakarta, na ikinasawi ng dalawang sibilyan at limang jihadist, ngunit nagbabala siya sa isang “general threat”.
“We need to be prudent. We will coordinate with (Middle Eastern) intelligence agencies to monitor these communities to see if they have been influenced by IS,” anang Pangulo.
“We can’t be like an ostrich, which burrows its head in the ground to avoid seeing the problem,” aniya.
“Is there a credible threat? Is there a specific threat? There is none. Is there a general threat? Yes. We are not immune from the extremism problem.”
Bilang halimbawa, tinukoy ni Pangulong Aquino ang isang Filipino-Lebanese at isang Filipino-Saudi, kapwa nakatira sa ibang bansa, na nagtangkang umanib sa grupo ng mga jihadist, na una nang umatake sa Paris, France noong Nobyembre.
Ngayong buwan lamang, naglabas ng video ang teroristang grupo sa Pilipinas na Abu Sayyaf na nagdedeklara ng alyansa nito sa IS.
Gayunman, minaliit ni Pangulong Aquino ang nasabing pahayag ng Abu Sayyaf at sinabing nakikisakay lang ito sa popularidad ng IS bilang kilabot na teroristang grupo. Sinabi pa niya na una nang iniugnay ang Abu Sayyaf sa karibal ng IS, ang Al-Qaeda.
Ang Abu Sayyaf, isang grupo ng may daan-daang mandirigma na kilala sa pagdukot sa mga dayuhan para hingian ng ransom ang mga pamilya ng mga ito, ay siya ring responsable sa pinakamatinding pag-atake sa Pilipinas. Noong 2004, nagpasabog ang grupo ng bomba sa isang pampasaherong barko sa Manila Bay, at mahigit 100 katao ang nasawi.
(Agencé France Presse)