SA kanyang pakikipagpulong sa mga embahador mula sa 180 bansa sa Vatican nitong Lunes, muling isinalaysay ni Pope Francis ang kuwento ni Moses na pinangunahan ang mga tao sa paglikas mula sa pagkakaalipin sa Egypt patungo sa lupang pangako. Tinutugis ng sandatahan ng pharaoh, tinawid nila ang Red Sea at kalaunan ay narating ang “a land flowing with milk and honey” upang magsimula ng panibagong buhay.

Ang mga embahador ay pawang kasapi ng Diplomatic Corps ng Vatican at nagtalumpati ang Papa, bilang pinuno ng estado, tungkol sa pangunahing tungkulin ng dayuhang polisiya nito—na, gaya ng mamamayan na tumanggap sa Sampung Utos ng Diyos, ang mga migrante at refugees na nagsisikap ngayong makatawid sa Mediterranean upang makatakas sa kaguluhan, pag-uusig, at kahirapan, ay karapat-dapat sa pandaigdigang tulong at proteksiyon.

Muling iginiit ng Papa ang kanyang apela para sa mga refugee ng mundo sa harap ng pagdami ng mga bansang tumatanggi sa dagsa ng refugees mula sa magugulong lugar sa Gitnang Silangan, gayundin sa pagiging miserable ng kanilang pamumuhay sa ibang mga bansa. Sa Amerika, nanawagan ang kandidato sa pagkapangulo na si Donald Trump sa gobyerno ng Amerika na itaboy ang mga Muslim refugee mula sa Syria matapos na isang mag-asawang Muslim, na naimpluwensiyahan ng pakikipaglaban ng Islamic State sa Syria, ang pumatay sa 14 na katao sa isang social services center sa San Bernardino, California. At sa Germany, sinimulan nang kuwestiyunin ng mga residente ang polisiya ni Chancellor Angela Merkel tungkol sa pagtanggap ng refugees, makaraang ilang krimen ang isisi sa ilang refugees sa Bonn.

Tunay na nangangamba ang maraming bansa sa mundo na makaaabot sa kani-kanilang teritoryo ang mga gawaing terorismo ng grupo ng mga jihadist. Sa sarili nating bansa, may mga ulat na nag-uugnay sa ilang armadong grupo sa Mindanao sa Islamic State, na may nangyayari umanong recruitment sa ilang lugar sa katimugan. Ang mga pangambang gaya nito ay nangangailangan ng agarang aksiyon sa kinauukulang mga lugar, ngunit hindi dapat na dahil dito ay magwakas na ang patuloy na pagtataguyod sa kapayapaan at pagkakaunawaan sa Mindanao at sa iba pang magugulong lugar sa ngayon.

Sa daigdig, ang panawagan ni Pope Francis ay dapat na pakinggan ng mga pinuno ng mundo at ng mga tao na nangangamba sa dagsa ng refugees. Batid ng Papa na may basehan ang mga pangambang ito ng ilang bansa para sa seguridad ngunit, ayon sa kanya, hindi ito dapat na maging dahilan upang mawalan ng kumpiyansa ang Europa sa pagkakaisa at sa mismong sangkatauhan.