MGA Kapanalig, nabalitaan n’yo ba ang isang grupo ng mga kabataan na sumuong sa mapanganib na karagatan makarating lamang sa Pag-asa Island?
Ang Pag-asa Island ay matatagpuan sa pinag-aagawang Spratlys sa tinatawag nating West Philippine Sea. Sa lugar na ito matatagpuan ang isa sa pinakamalawak na munisipalidad sa Pilipinas, ang munisipalidad ng Kalayaan na bahagi naman ng Palawan. Para naman sa China, ang Pag-asa Island ay pinangalanan nilang Thitu.
Ang mga kabataang nagtungo sa Pag-asa Island ay kabilang sa grupong “Kalayaan Atin Ito”. Binubuo ito ng 48 kabataan.
Maraming humanga sa katapangan ng mga kabataang ito, mga Kapanalig, sapagkat ang kanilang pagtungo sa isla ay kanilang paraan ng protesta laban sa pag-angkin ng China sa nasabing isla. Layunin rin ng mga kabataang ito na mas maraming makaunawa sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea at lumawak pa ang pagtutol sa ginagawa umanong “bullying” ng China.
Nagsimula ang protesta sa Pag-asa Island pagkatapos ng araw ng Pasko, ika-26 ng Disyembre. Nanatili sila sa isla sa loob ng isang linggo. Ayon sa grupo, ang coast guard ng China ay araw-araw na nakaantabay sa isla sa mga panahong sila ay naroroon.
Matatandaang matagal nang sinisikap ng ating pamahalaan na maresolba ang alitan sa West Philippine Sea. Dahil wala naman tayong laban sa puwersang militar ng China, idinaan natin ito sa diplomasya sa pamamagitan ng pagdulog sa United Nations Permanent Court of Arbitration na nakabase sa The Netherlands. Sa desisyon ng Permanent Court, sinabi nitong bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang mga isla sa West Philippine Sea. Ngunit hindi ito tinanggap ng China.
Sa nangyayaring alitan sa pagitan ng ating bansa at China, hinikayat tayo ng ating mga obispo na ipagdasal ito.
Noong nakaraang taon nga, inilabas ang oratio imperata upang gabayan tayo sa ating pagdarasal para masolusyunan ang alitang ito sa mapayapang paraan.
Paano nga ba masosolusyunan ang hindi matapos na alitan sa teritoryo sa pagitan ng ating bansa at China? Ano nga ba ang dapat nating gawin bilang isang bayang may takot sa Diyos?
Balikan natin ang sinabi ni Pope John XXIII: Gaya ng ugnayan ng bawat tao, ang ugnayan ng bawat bansa ay dapat nakasentro sa dignidad at karapatan ng bawat tao na mabuhay. Manatili po tayong mulat sa isyu tungkol sa West Philippine Sea, at laging ipagdasal ang mapayapang pagtugon rito.
Sumainyo ang Katotohanan. (Fr. Anton Pascual)