Nilimitahan kahapon ang biyahe ng tren ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 dahil sa pinalawig na pagsasaayos at pagkukumpuni sa pasilidad.
Sinabi ni LRT Spokesperson Hernando Cabrera na ganap na 8:30 ng umaga kahapon ay patuloy pa rin ang maintenance work sa train system ng LRT Line 2 na dapat ay natapos na ang pagsasaayos sa pasilidad ng 3:30 ng umaga, ngunit nagkaroon pa rin ng pagkakaantala.
Paliwanag ni Cabrera, nagsasagawa ng maintenance work sa Line 2 tuwing sasapit ang gabi para tiyakin na maayos ang operasyon nito.
Ayon sa ulat, ipinatupad ang limitadong biyahe ng tren ng LRT 2 mula sa Santolan hanggang V. Mapa station at pabalik.
Pansamantala namang itinigil ang operasyon ng LRT sa Pureza, Legarda hanggang Recto Station, na sakop ng university belt area ng Maynila.
Bago sumapit ang tanghali, bumalik na sa normal ang operasyon ang LRT Line 2 pagkatapos makumpleto ang maintenance work, ayon kay Cabrera. (Bella Gamotea)