Pormal nang niratipikahan at na-validate ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes ang komento na isinumite ng isa sa mga komisyuner ng poll body sa Korte Suprema kaugnay ng disqualification case ni Senator Grace Poe.
Sa bisa ng Resolution No. 10039, niratipikahan at na-validate na ng Comelec ang komentong isinumite noong Enero 7 sa Korte Suprema, na pirmado nina Commissioner Rowena Guanzon at acting Director IV, Maria Norina Tangaro-Casingal, ng Law Department.
Kinumpirma rin ng en banc na sina Guanzon at Commissioner Arthur Lim ang mga magiging kinatawan sa kaso.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang komentong isinumite ni Guanzon sa mga kaso ng diskuwalipikasyon na inihain nina dating University of the East Law Dean Amado Valdez, dating Sen. Francisco “Kit” Tatad, at De La Salle University (DLSU) Professor Antonio Contreras laban kay Poe matapos maisapubliko ang memo si Comelec Chairman Andres Bautista laban kina Guanzon at Casingal.
Sa nasabing memo, pinagpapaliwanag ni Bautista ang dalawa kung bakit isinumite ng mga ito sa kataas-taasang hukuman ang nabanggit na komento nang walang clearance mula sa en banc at sa mismong Office of the Chairman.
Sa kanyang pahayag, iginiit naman ni Guanzon na hindi inobliga ng en banc na “all of us have to review or approve the Comment before it is filed because of the urgency. Neither did the Comelec en banc require that all of us must sign the Comment. Not all of the Commissioners have MCLE compliance and cannot sign pleadings.”
Inihayag naman ng Comelec nitong Martes na naayos na ang anumang hindi pagkakaunawaan ng mga opisyal ng komisyon.
Leslie Ann G. Aquino